Ayon kay Communications Secretary Coloma, hindi magso-sorry si Pangulong Noynoy sa nangyari sa Mamasapano. Naniniwala kaya ang Pangulo na sa ginagawa niyang ito ay wala siyang nagawang pagkakamali o kasalanan sa pagkamatay ng SAF 44? Naniniwala ba siya na tama ang ginawa niya na ibigay sa kanyang kaibigan at kabarilan na si Alan Purisima ang pangangasiwa sa “Operation Exodus” kahit na ito ay suspendido na?

Bilang relihiyoso o galing sa relihiyosong pamilya, alam niyang walang nahuhuling paghingi ng tawad. Pero kahit alam niya ito at alam niyang may nagawa siyang pagkakamali, bakit ayaw niyang mag-sorry? Inutil na kasi ito pagkatapos malaman ng mamamayan kahit sa paunti-unting lumalabas na impormasyon ang kanyang naging papel sa operasyon. Hindi na mareremedyuhan ng paghingi niya ng tawad ang pabagu-bago at buhul-buhol niyang mga deklarasyon sa publiko sa hangarin niyang maalis sa kanya ang napakabigat na responsibilidad sa nangyari.

Isa pa, malaki ang kanyang magiging problema. Higit na malaki ito kaysa naranasan ni Pangulong Gloria nang siya ay mag-sorry. Pagkatapos mag-sorry si Pangulong Gloria ay sumulpot ang kilusang pinabababa na siya sa puwesto. Ilang kasong impeachment ang isinampa laban sa kanya. Kung impeachment din lang, walang kuwenta ito kay Pangulong Noynoy dahil marami siyang kaalyadong mambabatas sa kamara tulad ni Pangulong Gloria noon. Paramihan lang kasi ito ng kakampi at hindi ito ukol sa merito ng kaso. Ang kilusan namang nagpapatalsik noon kay Pangulong Gloria ay hindi nakuha ang sapat na lakas para matagumpay niyang maisulong ang kanyang layunin. Paano ang isyu ay pandaraya sa halalan na hati ang mamamayan. Iyong mga nandaya, gaya ng sinasabing ginawa ni Pangulong Gloria, ay hindi sumama sa kilusan laban sa kanya. Pero kay Pangulong Noynoy, ang isyu ay katarungan. Sa ika-8 ng buwang ito ay aarangkada na ang nationwide march for justice para sa SAF 44. Malaking problema ito sa Pangulo dahil ang paghahanap ng katarungan ay napakagaang bigkisin ang sambayanan para itaguyod ang layuning ito.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina