Walong buwan na ang nakararaan, noong Hulyo 2014, nagtanong tayo: Ano na ba ang nangyari sa pangalawa at pangatlong batch ng mga kaso na inanunsiyo ng Department of Justice (DOJ) na isasampa nito matapos isampa nito ang unang batch laban kina Senators Juan Ponce Enrile, Jose “Jinggoy” Estrada, at Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng pork barrel scam ni Janet Napoles?
Isinampa ang pangalawang batch noong nakaraang buwan – dating mga kongresista ng Masbate, Benguet, Cagayan de Oro, at Agusan del Sur, at isang party-list solon. Ngunit 356 na binubuo ng mga kongresista at senador ang tinukoy na nakibahagi sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) mula 2007 hanggang 2009 at may hindi magandang natuklasan sa 100 sa kanila ang Commission on Audit (COA).
Kaya ngayon, ang bagong tanong ay: Kailan isasampa ang pangatlong batch ng mga kaso? Gugugol na naman ba ang DOJ ng pitong buwan bago isampa ang mga kaso laban sa susunod na grupo?
Marami sa 100 na may adverse findings sa COA report ang incumbent elected at appointed na mga opisyal na kaalyado ng administrasyong Aquino. “Obviously, partisan lines are being followed here,” ani Buhay party-list Rep. Lito Atienza.
Wala ni isang opisyal na malapit sa administrasyon ang kinasuhan sa PDAF-Napoles case. Hanggang hindi ito nagagawa, ang paratang na “selective justice” ay magpapatuloy na susubaybay sa administrasyon. Unang inihayag ang paratang na ito ni Senator Estrada nang imbestigahan ang Napoles case ng Senado at ito ang hinawakan ng mga religious leader at iba pang kritiko ng administrasyon.
Ang isyu ng PDAF ay iba sa kinasasangkutan ng Disbursement Acceleration Program (DAP). Sa kaso ng DAP, nagpasya ang Supreme Court (SC) na ang mga lumikha ng unconstitutional program – hindi ang mga tagapagpatupad o benepisyaryo ng DAP-funded projects – ang responsable. Kapag may nagsabing “in good faith” sila, kailangang patunayan nila iyon sa hukuman, anang SC.
Malamang na hindi hahantong ang anumang kaso ng DAP sa kahit saan mang hukuman sa nalalapit na hinaharap. Sina Pangulong Aquino at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad ang nagbalangkas ng DAP. Hindi maaaring kasuhan ang nanunungkulang Pangulo sa kahit na anong hukuman, kundi ini-impeach lamang sa Kongreso. Ang DOJ, kung may indikasyon nga na may hakbang ito sa mga kaso ng PDAF, ay malamang hindi magsasampa ng kahit na anong kaso ng DAP laban kay Secretary Abad.
Kaya malamang na maghihintay pa tayo ng mas maraming buwan bago maisampa ang kahit na anong kaso ng DAP. Maghihintay tayo hanggang matapos ang eleksiyon sa 2016.