Itinalaga ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. ang isang beteranong mandirigma laban sa mga rebelde bilang bagong tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan.

Papalitan ni Brig. Gen. Joselito “Joey” Kakilala si Col. Restituto Padilla bilang tagapagsalita ng AFP. Samantala, mananatili rin si Kakilala bilang hepe ng AFP Civil Relations Service (CRS) na nakabase sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Isang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1984, pinamununan ni Kakilala ang AFP Strategic Studies and Strategy Management bago siya naupo bilang CRS commander.

“Brig. Gen. Kakilala earned a reputation characterized by successful stints in combat and administrative leadership and academic excellence. He had also previously served in the CRS as its Chief of Staff, providing him with the wealth of experience needed by a Commander,” pahayag ni Catapang.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng AFP chief na hindi lang kinikilala ang magandang track record at reputasyon ni Kakilala sa organisasyon kundi maging sa ibang sangay ng gobyerno at civil society organization, dapat lang na maitalaga ito bilang AFP-CRS chief.

Bukod dito, malaki rin ang karanasan ni Kakilala bilang combat officer sa Central Luzon at Bicol, nang pamunuan niya ang 45th Infantry Battalion at 903rd Infantry Brigade na nakasungkit ng parangal na “Best Battalion in 2006” at “Best Brigade in 2013 and 2014.”

Ang kanyang agresibong kampanya sa Bicol bilang commander ng 903rd IB ay nagresulta sa neutralization ng ilang lider ng New People’s Army-Bicol Regional Party Committee.

Nahasa rin ang galing sa larangan ng tactical operations ni Kakilala nang maitalaga siya sa bulubunduking lugar ng Basilan, Surigao at Agusan na roon nakasagupa ng kanyang tropa ang mga rebelde at bandido.

Noong 2008, pinarangalan si Kakilala bilang isa sa Ten Outstanding Philippine Soldiers (TOPS) ng Rotary Club of Makati Metro at Metrobank Foundation, Inc. - Elena L. Aben