Dumating kahapon sa bansa si Asian Volleyball Confederation (AVC) secretary-general Shanrit Wongprasert upang dumalo sa isasagawang draw sa AVC Asian Women’s Under 23 Championships at ipormalisa ang pagkikila sa liderato ni Joey Romasanta bilang pangulo ng bagong katatatag na Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI).

Si Wongprasert, na katulad ni International Volleyball Federation (FIVB) president Ary Graca, ay nagbigay ng provisional recognition kay Romasanta matapos na makumpleto ang itinakdang deadline noong Pebrero 15 na magsagawa ng eleksiyon na kinapapalooban ng lahat ng malalaking stakeholders ng volleyball sa bansa.

Ang AVC, na siyang brainchild at nagsagawa sa unang pagkakataon ng Women’s Under 23, ang pangunahing mamamahala sa torneo habang kasama ang LVPI bilang siyang organizing committee.

Bagamat nahuli si Romasanta sa itinakdang panahon, naisumite naman nito ang listahan ng inihalal na opisyales makalipas ang isang linggo matapos ang serye ng diskusyon sa representante ng Philippine Superliga, Shakey’s V-League, University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Itinalaga naman si dating Philippine Amateur Volleyball Association (PAVA) president Victorico Chavez bilang chairman. Iniluklok naman sa pangunahing posisyon sina Peter Cayco ng NCAA (vice-president), Ricky Palou na mula sa Shakey’s V-League at UAAP bilang secretary-general, si Ariel Paredes ng Philippine Superliga bilang treasurer at Jeff Tamayo ng NCAA bilang director.

Personal na nagtungo si Romasanta sa mga opisyal ng AVC sa Bangkok, Thailand upang ipaalam ang naging kaganapan nila.

Inaasahan naman ni Romasanta, na siya ring 1st vice-president ng POC, na ibibigay sa LVPI ang rekognisyon upang kumpletuhin ang pagkilala sa bagong asosasyon sa pagdalo ni Wongrapsert sa drawing of lots para sa isasagawang Asian U23 Women’s Championship na gaganapin sa bansa simula sa Mayo 1 hanggang 9.

Nakatakdang salubungin ni Philippine Superliga president at FIVB at AVC Marketing and Development chairman Ramon “Tatz” Suzara si Wongprasert.

Inaasahang lalahok sa AVC Women’s Under 23 ang 16 na bansa na tampok ang bawat miyembro ng kanilang pambansang koponan. Nangunguna na sa listahan ang China, India, Korea at Japan.

Samantala, ‘di pa rin tapos ang ipinaglalaban ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na nasa pamumuno ngayon ng premyadong golfer na si Edgardo “Boy” Cantada.

Ayon kay Cantada na kanilang ipaglalaban ang karapatan ng asosasyon kontra sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa bagong buong Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated.

“We want to tell everybody that PVF remains and is still the governing body for volleyball until such time that we are taken out of the general assembly,” sinabi ni Cantada. “We strongly challenge the POC, at kung sinu-sino pang Jose at kanilang kaalyado na ipakita sa amin kung paano sila naging lehitimo.”

“POC is a fraternity of national sports associations (NSA’s) and not of those few who runs the show,” pahayag pa ni Cantada sa eksklusibong pulong kasama sina Atty. Dexter Corpuz, dating Secretary General Dr. Rustico “Otie” Camangian at ang kasalukuyang deputy secretary general na si Gerard Cantada.

Ipinaliwanag ni Cantada na niresolba ng PVF ang kanilang problema base sa iniatas ng POC kung saan isinagawa nila ang general assembly noong Enero 25 at iniluklok ang 9 kataong board of officers. Inihalal naman ng board of officers ang pitong katao para sa liderato ng asosasyon.

Ang 11 kataong PVF Board ay binubuo ni Karl Chan, Boy Cantada, Roger Banzuela, Ricky Palou, Victorico Chavez, Arnel Hajan, Al Mendoza, Marinao Diet-See at Mozzy Ravena.

Nahalal naman si Cantada bilang pangulo habang vice-president for Luzon si Engr. Diet-See, VP-Visayas si Banzuela at VP-Mindanao si Hajan. Itinalaga ang dating PVF president na si Karl Geoffrey Chan bilang chairman habang Deputy sec. gen. si Gerard Cantada. Inilagay na Managing Project Director si Dr. Rustico “Otie” Camangian habang may dalawa lamang na tatayong director.

“Kami ang legitimate NSA’s and we will inform the POC General Assembly about it,” ayon kay Cantada.

“What the POC Board did was illegal, unlawful and immoral. We are looking at the GA first and then we will go on with what we know is the right and legal process,” dagdag pa ni Cantada.