Inihayag kahapon ng Malacañang na handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagtanggol ang bansa laban sa Justice for Islamic Movement (JIM), ang breakaway group mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr. na ipagtatanggol ng militar ang bansa laban sa alinmang grupo na planong maghasik ng takot at kaguluhan.
“Ginagampanan ng ating Sandatahang Lakas ang tungkulin na tutukan lahat ng pagkilos ng iba’t ibang armadong grupo, lalong lalo na ‘yung mga naghahasik ng ligalig sa ating bansa at sa ating mga pamayanan,” ani Coloma. “Hindi sila pahihintulutang magsagawa ng mga aksiyon na ‘yan at pipigilan sila ng ating Sandatahang Lakas.”
Sinabi ni Coloma na ang mga miyembro ng JIM ay kabilang sa mga tinutugis ng awtoridad.
Leader ng grupo si Mohhamad Ali Tambako, dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF) at BIFF.
Napaulat na nagbuo ng bagong grupo si Tambako matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa mga kasamahan niya sa BIFF.
Napaulat din na kinakanlong ng grupo ni Tambako ang teroristang si Abdulbasit Usman, na nakatakas sa operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ang BIFF ay breakaway group ng MILF.