Nakakuha ng matinding suporta ang grassroots football sa bansa matapos tumulong ang life insurance company na Pru Life sa pagtataguyod sa mga kapuspalad na kabataan sa isasagawang “Pru Life Football for a Better Life 2015” na sisimulan sa Barotac Nuevo sa Iloilo sa Marso 7.

Ang programa ay pinamunuan mismo ni Chieffy Caligdong, na dating miyembro ng Philippine Azkals, na kabilang sa manlalaro ng Green Archers United sa United Football League.

Makakasama ni Chieffy ang Brazilian at Pru Life UK’s Football for a Better Life Grassroots Development Director na si Chris Thomas sa pagsasagawa ng serye ng libreng football clinics at torneo sa 10 pangunahing lugar sa bansa sa Marso 7 at magtatapos sa Nobyembre 2015.

Umaasa naman sina Belle Tiongco, Pru Life country manager, na nakasama ni Caligdong sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum, na maisakatuparan din ang programa para sa mga kabataan sa Maguindanao na naging mainit na lugar dahil sa pagkakapatay ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Una nang sinimulan ni Caligdong ang pagtuturo sa football noon sa Maguindanao, kasama ang Philippine Sports Commission (PSC), kung saan ay nakasama niya ang mga anak at pamilya ng magkakalabang grupo na MILF, MNLF at militar sa isang araw na aktibidad.

Target din ng programa na maturuan ang mga kabataang lalaki at babae na may edad 6 hanggang 14 mula sa iba’t ibang football clubs sa bansa, bukod pa sa mabigyan ng scholarship at maipasok sa mahuhusay na mga eskuwelahan ang mga mahihirap ngunit puno ng talentong mag-aaral.

“Our dream is to teach football and give scholarships through sports to those kids that will exemplify talent and hope to be successful,” sinabi ni Albert Almendralejo, program coordinator.

“We already sent an 11-year old boy to England on Zandro Reyes to train for FC Barcelona and we hope we will have a good football player internationally soon in the world football stage,” giit pa ni Almendralejo.

Makatutulong naman sa programa ang Globe Telecom at Gawad Kalinga SipaG program.

“Pru Life UK is committed to supporting football in the Philippines because we believe in helping the education of the less privileged Filipino youth,” pahayag pa ni Tiongco.

“We support this grassroots program to train and develop the best young football player in the hope of making them better citizens someday,” dagdag pa nito.

Matapos simulan sa Barotac sa Iloilo sa Marso 7 at 8, lilipat ang Football for a Better Life 2015 sa Pampanga, Negros Occidental, Capiz City, Dumaguete City, Baguio City, Palawan, Davao Del Norte, Legazpi City at National Capital Region.