Humihingi ng P5 milyong danyos mula sa Manila City government at Manila Electric Company (Meralco) ang mga magulang ng isang medical student na nakuryente habang naglalakad sa España Blvd. noo’y lubog sa baha bunsod ng pananalasa ng bagyong “Mario”.

Noong Setyembre 19, 2014, namatay si Sigfreid Nathan V. Arcilla, 22, noo’y second year medical student ng University of Santo Tomas (UST) habang tinatawid ang Gate 1 ng UST sa España Blvd., kung saan hanggang baywang ang lalim ng baha, nang madikit ang kanyang payong sa isang bakal na bahagi ng poste na pag-aari ng Meralco at pamahalaan ng Maynila.

Ayon sa dokumentong isinumite ng pamilya ni Arcilla sa Manila Regional Trial Court, may live wire ang nadikitang poste ni Sigfried dahilan upang ito ay makuryente ng malakas na boltahe.

Si Sigfreid ay idineklarang dead-on-arrival sa UST hospital.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Noong araw ding iyon, nakuryente rin si Far Eastern University (FEU) student Cedric Fabie sa kasagsagan ng pagbaha sa lugar. Isinugod si Febie sa UST Hospital kung saan ito nagpagaling ng ilang araw sa intensive care unit.

Kapwa humingi sina Ephrem at Analiza Arcilla sa Meralco ng danyos sa pagkamatay ng kanilang anak noong Oktubre 8, 2014. Subalit noong Nobyembre 5, 2014, nagpadala ng liham ang Meralco sa magasawang Arcilla upang itanggi na sila ang may-ari, nagmimintina at nagpapatakbo ng mga poste kaya wala dapat silang pananagutan sa insidente.

Subalit iginiit ng mga Arcilla na nakasaad sa Article 2176 ng Civil Code of the Philippines na dapat bayaran ang mga biktima dahil sa kapabayaan. (Jen Manongdo)