Habang nagkukumahog ang mga pulitiko na maki-alam sa isyu ng pagbibigay ng tax exemption kay world boxing icon at Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao, sinabi ng eight-division champion na handa siyang bayaran ang kaukulang buwis matapos ang pinakaaantabayanang laban niya kay American champion Floyd Mayweather.

“Hindi niya kailangan ng exemption. Ang buwis sa US ay halos 39 porsiyento, kaya ito ay mas mataas sa Pilipinas na 32 porsiyento,” ayon sa isang senior official ng Team Pacquiao na kasama ng Pinoy boxing champ habang nagsasanay sa US.

Iginiit ng miyembro ng Team Pacquiao, na tumangging magpabanggit ng pangalan, na mawawalang saysay lamang ang mga debate sa Kongreso hinggil sa panukalang pagbibigay ng tax exemption sa Sarangani congressman dahil handa naman itong bayaran ang tamang halaga ng buwis.

Ito ay bilang reaksiyon sa mga panukalang inihain sa Kamara at Senado na humihiling ng tax exemption para kay Pacquiao dahil sa karangalang ibinibigay nito sa bansa tuwing nagwawagi sa boxing match.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ganito rin ang paniniwala ni House Deputy Speaker Giorgidi Aggabao na naniniwala ring mababalewala ang mga panukalang tax exemption dahil sa umiiral na tax law sa Pilipinas at Amerika.

“Manny Pacquiao would pay his taxes in the US primarily, because that is the site of taxation. Now, that tax paid to the US government would be credited against his tax liability to the Philippine government,” pahayag ni Aggabao.

Ang tax rate sa Amerika ay umaabot sa 40 porsiyento habang sa Pilipinas ay nasa 32 porsiyento, ayon sa kongresista. - Ben Rosario