Pinag-iingat ng Konsulado ng Pilipinas sa Toronto ang mga overseas Filipino worker (OFW) kaugnay sa employment scam na pumupuntirya ng mga nurse at ibang health-oriented profession sa Pilipinas na nag-aalok ng bogus na trabaho sa Canada.
Nakatanggap ang Konsulado ng mga ulat sa pagkalat ng imbitasyon sa pamamagitan ng e-mail para sa dalawang araw na seminar na nakatakda sa Marso 7 at 8 sa Pilipinas na nag-aanyaya sa mga lalahok na magbayad ng P3,800 bilang seminar fee kapalit ng garantiyang trabaho sa nabanggit na pasilidad, partikular ang mga caregiver sa Ian Anderson House,isang in-resident cancer hospice na matatagpuan sa Oakville, Ontario sa Canada.
Ang imbitasyon ay sinasabing nanggaling sa Primera Human Resource Services.
Sa konsultasyon sa mga kinatawan ng Ian Anderson House, nakumpirma ng Konsulado na ang naturang pasilidad ay hindi naghahanap ng empleyado o nag-aalok ng oportunidad sa trabaho sa ngayon at walang kinalaman sa bogus na seminar.
Lumitaw sa website ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na lisensyadong agency ang Primera Human Resource Services subalit hindi ito nag-aapruba ng job order para sa Canada.
Pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa pagtugon sa ganitong uri ng scam o katulad na alok ng trabaho at marapat munang makipag-ugnayan sa POEA upang hindi mabiktima ng mga mapanlinlang na indibidwal.