NEW YORK (AP)– Napasama si Michael Jordan at iba pang NBA owners sa world list of billionaires ng Forbes.
Inilabas ng Forbes ang listahan nito noong Martes at binanggit ang net worth ni Jordan na tinatayang $1-bilyon, salamat sa kanyang investment sa Charlotte Hornets.
Si Steve Ballmer, na kamakailan ay binili ang Los Angeles Clippers, ang nasa ituktok ng listahan ng sports-related billionaires sa kanyang net worth na $21.5-bilyon.
Tumaas ang net worth ng NBA franchise values noong nakaraang taon matapos bilhin ni Ballmer ang Clippers sa $2-bilyon.
Ang net worth ni Houston Rockets owner Leslie Alexander ay nakalista sa $1.6-bilyon habang nagkakahalaga naman ng $1.3-bilyon si Chicago Bulls owner Jeery Reinsdorf, ayon sa magazine.
Sina Jordan at Reinsdorf ay mga baguhan sa listahan habang si Alexander ay nagbabalik sa unang pagkakataon mula noong 2007.
Ang 52-anyos na si Jordan, isang Hall of Fame player na nanalo ng anim na NBA championships sa Bulls, ay umabot sa billionaire status noong Hunyo, ayon sa magazine. Ito ang kanyang unang taon sa taunang listahan ng Forbes na karaniwan ay inilalabas tuwing Marso.
Nakuha ni Jordan ang majority stake sa Hornets noong 2010 sa halagang $175-milyon. Inilista ng Forbes noong Hunyo ang equity ni Jordan bilang may-ari ng Hornets sa $416-milyon at ang kanyang net worth sa labas ng koponan sa $600-milyon.
Kasama sa iba pang sports-related billionaires sa listahan ay si Seahawks owner Paul Allen, na nagkakahalaga ng $17.5-bilyon.
Ang ilan pang ibang NFL owners na nakasama sa listahan ay kinabibilangan nina Stephen Ross (Dolphins, $6.5 billion), Stanley Kroenke (Rams, $6.3 billion), Robert Kraft (Patriots, $4.3 billion) at Jerry Jones, (Cowboys, $4.2 billion).