IKINATUWA ng mga kaibigan nina Sen. Bong Revilla at Cong. Lani Mercado ang ibinalita ni Atty.Raymond Fortun sa guesting nito sa ANC kahapon na ayon sa latest CT scan kay Cavite Vice Governor Jolo Revilla, bumubuti na ang kalagayan nito.
Ayon kay Atty. Fortun, ang spokesman ng mga Revilla, kinailangang i-CT scan noong Tuesday evening (March 3) si Jolo dahil lumulubha ang lagay nito. Kaya napaaga ang CT scan na naka-schedule dapat nang March 4.
Ang dahilan ng napaagang CT scan ay ang kondisyon ni Jolo na ang tawag ng mga doktor sa Asian Medical Center and Hospital ay “abdominal distention.” Lumaki ang tiyan ni Jolo at nabago ang posisyon ng pusod.
Nakahinga ng maluwag ang pamilya ni Jolo dahil maganda ang resulta ng kanyang CT scan at dahil dito, hindi na itinuloy ni Sen. Bong ang planong pagbabalik sa hospital kahapon para muling makita ang anak.
Unang bumisita si Sen. Bong kay Jolo nitong Martes, at dahil sa obserbasyon na lumulubha ang kundisyon ni Jolo ay gusto nitong muling makiusap sa Sandiganbayan na muling madalaw ang anak, kahapon.
Pero dahil sa magandang resulta ng latest CT scan ni Jolo, hindi na muna itinuloy ni Bong ang muling pagbisita sa anak kahapon. Ayon kay Atty. Fortun, “The result of the latest CT scan in Jolo “unofficially” was pretty encouraging, encouraging enough that Sen. Bong decided not to push through with his plan to ask the Sandiganbayan for another furlough. Jolo’s condition was not urgent enough to require his presence.” - Nitz Miralles