PINAKAGUWAPONG pari, tiyak daw mas magkakasala ang nangungumpisal kay Father Kokoy.
Ito ang biruan sa grand lannch cum presscon ng bagong primetime inspirational drama series ng GMA-7, ang Pari Koy na gagampanan ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
“Dream role ko noon ay bilang isang pulis o sundalo, dahil dating pulis ang tatay ko, na nagampanan ko na rin, pero first time itong gumanap akong pari,” nakangiting pahayag ni Dingdong. “Pinaghandaan ko rin ito, kung anong klaseng pari ba si Fr. Kokoy. May mga advisers na pari silang kinuha at ang peg namin dito, si Fr. Erik Santos, na talagang tuwang-tuwa ako kapag naririnig ko siyang mag-homily dahil masaya, at ang spiritual adviser namin ni Yan (Marian Rivera), si Fr. Tito Caluag. Advise nila sa akin, maging fun person ako, dahil it attracts positivity. Na ikaw ay tagahatid ng magandang balita, you must be a people’s priest.”
Sinadya ba na wala siyang leading lady, dahil pari nga ang role niya?
“Hindi po, dahil may papasok na character na iyon ang magiging problema ko, magtatalo ang isip ko kung tama ba o mali ang gagawin ko. Pero baka matagal pa iyon. Dito muna ako sa masasayang eksena sa mga kasama ko sa cast. Tulad nga ng sabi ni Direk Maryo J. delos Reyes, may mga characters na papasok, depende sa mga sitwasyong magaganap.”
Bago ginanap ang presscon, may dalawang issues na lumabas tungkol kay Dingdong. Una ay iyong pagtatanong ni Vice Ganda kay Karylle sa It’s Showtime, mula naman sa audience, kung ano ang gagawin kung may two-timer kang boyfriend. Kinulit ni Vice si Karylle na aminin nitong may naging ganoon siyang boyfriend. Umamin naman si Karylle pero hindi niya binanggit kung sino iyon. Pero inisip na ng mga tao na si Dingdong ang ex-boyfriend na tinutukoy ng singer-actress.
“Kung hindi naman sinabi na ako iyon, hindi ako dapat mag-react. Hayaan na lang natin, basta ako, happy sa buhay ko ngayon,” natatawang sagot ni Dingdong. “Hindi issue sa akin iyon, mag-move on na tayong lahat.”
Ang second issue ay ang movie na ipu-produce niya with the Aswang Chronicles team ay ibinigay na pala ang project sa ibang actor. Matagal na nilang pinagplanuhan iyon, halos kasabay ngKubot: The Aswang Chronicles at ngayong taon ngang ito nila gagawin. Hiningi ng reporters ang reaction ni Dingdong. For the first time, ngayon lang namin nakitang nag-isip si Dingdong kung paano siya sasagot. Sinabi pa niyang ang manager niya ang aming tanungin, pero ayaw ding mag-comment si Perry Lansigan na alam mong ayaw lamang magsalita ng makasasakit sa kapwa.
“Siguro, ganito na lang. Mabuti na nalaman ko rin agad, wala kasi silang sinabi sa akin. Pero it doesn’t mean na dahil sa nangyari, hihinto na ako sa paggawa ng projects na gusto ko.”
On a lighter side, kinumusta namin si Dingdong sa buhay may-asawa niya ngayong balik-trabaho na sila ni Marian after their honeymoon. Totoo bang mas sweet daw siya kaysa asawa niya?
“Talaga, sabi niya iyon? Marami pa rin akong nalalaman sa kanya na ngayon ko lamang nalaman. Maganda nga, after our honeymoon, matagal-tagal pa rin bago kami bumalik sa trabaho. Naawa nga ako sa kanya kagabi (Sunday evening), dahil alam kong pagod na pagod siya dahil maghapon hanggang gabi siya nag-taping ng Lenten presentation ng Eat Bulaga. Nanibago siguro siya dahil kailan pa kami huling nagpuyat sa taping, bago pa kami ikinasal last December. Pero this morning, siya pa rin naghanda ng almusal.”
Tinanong namin si Dingdong kung ipinagbabaon ba siya ni Marian kapag may taping siya?
“Hindi pa, hindi ko pa sinasabi sa kanya na gusto kong magbaon ng pagkain, although sinabi niya na ipagluluto raw niya ako kung ano ang gusto kong pagkain.”
Hindi ba siya nag-second thought bilang asawa na ni Marian, na tanggapin nito ang bagong soap na The Rich Man’s Daugther na sabi ay gaganap itong na-in love sa kapwa babae?
“No, very exciting din kay Marian ang role na iyon na first time din niyang gagawin. Sa pagtanggap naman ng role, hindi mo lamang iisipin na gusto mo lamang i-entertain ang mga manonood nito, kundi ano ba ang aral na ibibigay ng show. Pagdating sa trabaho, open ang isip namin sa mga roles na ibinibigay sa amin.”
Mapapanood na ang Pari Koy sa Lunes, March 9, after 24 Oras na nagtatampok din kina Sunshine Dizon, Gabby Eigenmann, ang tres marias ni Direk Maryo J. na sina Chanda Romero, Dexter Doria at Luz Valdez, Carlo Gonzales, Rap Fernandez, JC Tiuseco and young stars Jillian Ward, Jeric Gonzales, Hiro Peralta, Lindsay de Vera at ang child star na si David Remo.