Itinalaga na bilang bagong hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) si Chief Supt.Virgilio Moro Lazo, kapalit ni Director Getulio Napeñas na sinibak sa puwesto dahil sa pagkamatay ng 44 commando sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Itinalaga ni Pangulong Aquino si Lazo bilang bagong hepe PNP-SAF sa harap ng mga miyembro ng elite force sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1984, si Lazo nagsilbi rin bilang hepe ng PNP-Firearms and Explosives Division sa Camp Crame.
Naitalaga rin bilang chief, directorial staff ng PNP-SAF si Lazo noong 2010 hanggang 2013.
Matatandaang sinibak si Napeñas, kasunod ng pagkamatay ng 44 SAF commando sa isang madugong labanan sa Mamasapano at itinalagang officer-in-charge ng elite unit si Chief Superintendent Noli Taliño.
Naging miyembro rin si Lazo ng Presidential Security Group (PSG) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, at naitalaga sa Western Police District (WPD) bago nagsilbi bilang provincial director ng Benguet at Cagayan Valley Provincial Police Office, at director ng PNP Regional Office 3 sa Gintang Luzon.