Nakatuon ang Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) na makapag-uwi ng limang medalya sa paglahok ng 22 kataong pambansang koponan sa tatlong nakatayang disiplina sa darating na 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Sinabi ni PCKF head coach Lenlen Escollante na target ng asosasyon na makapag-ambag ng limang medalya sa delegasyon ng Pilipinas sa paglahok sa dragonboat, canoe at kayak sa kada dalawang taong torneo.

“Hindi lang namin alam kung ano ang kulay but we are almost sure of five medals,” sabi ni Escollante, na aasa sa miyembro ng asosasyon na kabilang sa delegasyon na nakapag-uwi ng gintong medalya sa paglahok sa World Championships noong nakaraang taon.

Kabilang sa dragonboat team ang kambal na si Alex at Alvin Generalo, Hermie Macaranas, Ojay Fuentes, Jonathan Ruz, Fernan Dungan, Carlo Asensi, Kevin Mendoza, Daniel Ortega, Edgar Galang, Oliver Manaig, Norwell Cajes, Gabriel Borromeo at Danie Funelas.

Sen. Bato, iginiit na hindi convicted criminal si Lopez para ilipat sa Women's Correctional

Sasabak ang koponan sa 12 event mula sa nakatayang 18 kung saan ay 4 na ginto ang paglalabanan sa men’s division at 2 ginto naman sa women’s category sa dragonboat. Mayroong 4 event sa canoe at 2 event naman sa kayak.

Isasabak ng PCKF sa canoe si Myanmar bronze medalist Macaranas habang sa kayak naman sina Marvin Amposta at Fuentes.

Tatlo naman ang kasalukuyang miyembro ng women’s dragonboat team na binubuo nina Rosalyn Esguerra, Eusell Manatad at Ria Glori habang kinakailangan pa ni Escollante na ma-justify ang tatlong iba na sina Ella Niodi, Glaiza Liwag at Kaye Esguerra.

“Hindi kasi sila kasama doon sa team na nanalo sa World Championships kaya I had to justify their inclusion to the SEA Games Task Force,” pahayag ni Escollante.