Dahil sa pagiging masunurin sa ama, isang 4-anyos na lalaki ang namatay matapos mahulog sa ilog habang patungo sa tindahan upang bumili ng mani sa Quezon City kamakalawa ng gabi
Huli na ang lahat nang dumating si Julian Decir, 28, ama ng biktima, nang matagpuan ng mga residente ang bangkay ni Justin sa ilog, ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.
Ayon sa imbestigasyon, nanonood ng TV si Decir nang utusan niya si Justin na bumili ng mani sa isang tindahan malapit lamang sa kanilang bahay na agad namang sinunod ng paslit.
Subalit nang ilang minuto nang hindi nakababalik si Justin sa kanilang bahay, nagpasiya ang kanyang ama na hanapin ito sa tulong ng mga kapitbahay.
Laking gulat na lamang ng ama nang salubungin siya ng isang residente upang ipaalam na nakita ang palutang-lutang na bangkay ni Justin sa ilog. Tinangka pang dalhin ni Julian ng kanyang anak sa Capitol Medical Center kung saan ito ideneklarang dead-on-arrival dakong 11:49 noong Martes ng gabi. - Betheena Kae Unite