Isa-isang nililibot ng bumbero ang 17 firetruck at tatlong ambulansiyang handog ng Japan kasabay ng ika-49 pagdaraos ng Fire Prevention Month ngayong taon. (MICHAEL VARCAS)

Pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang pamamahagi ng 17 bagong fire truck at tatlong ambulansiya na donasyon ng Japanese government sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay Roxas, ito ay bilang bahagi ng kanyang isinusulong na modernisasyon ng BFP kasabay ng paggunita ng Fire Prevention Month ngayong Marso.

Ang 17 bagong fire truck ay itatalaga sa mga lugar na nasalanta ng super typhoon “Yolanda” sa Eastern Visayas tulad ng kahilingan ng gobyerno ng Japan.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa hanay ng DILG, naglaan na ang ahensiya ng P2.5 bilyon para sa 244 unit ng 1,000-gallon capacity fire truck at 225 unit ng 500-gallon capacity fire truck. Mula sa kabuuang bilang, 155 sa mga ito ay ipamamahagi na sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa susunod na buwan.

“Hindi lamang kami mamamahagi ng mga fire truck,” pahayag ni Roxas. “Magtatayo rin kami ng kani-kanilang fire station, na kumpleto sa kagamitan at may 14 na tauhan na magmamando ng istasyon sa dalawang shift.”

Inatasan na ng kalihim ang BFP na magsagawa ng assessment sa bawat rehiyon upang matukoy ang papulasyon, laki ng lugar, bilang ng insidente ng sunog sa lugar, na gagamiting basehan sa pagtatalaga ng mga bagong fire truck.

“Ang ideal ratio ay isang fire truck sa kada 28,000 Pinoy at walang tigil tayo sa paghahanap ng paraan para maabot iyon,” pahayag ni Roxas.

Kasabay nito, hinikayat ni Roxas ang mga LGU na magtalaga ng mga water tanker sa BFP na makatutulong sa mga bumbero na nauubusan ng tubig sa fire truck sa kada walong minuto ng pagbobomba ng tubig sa apoy. (Czarina Nicole O. Ong)