Galing sa dalawang larong pahinga sanhi ng injury, naging mainit ang pagbabalik sa aksiyon ng dating league MVP na si James Yap sa Purefoods Star sa ginaganap na PBA Commissioner’s Cup.

Nagsilbing instrumento si Yap upang maitala ng Star Hotshots ang 113-105 panalo nila kontra sa sister team na San Miguel Beer.

Nagtala si Yap ng 15 puntos sa nasabing laban, walo dito ay isinalansan niya sa extension period para tulungan ang Hotshots na makaahon sa kinasadlakang 3- game losing skid.

Dahil sa kanyang kabayanihan, nakamit ni Yap ang parangal bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week sa pagitan ng Pebrero 23 hanggang Marso 1.

VP Sara ipapa-subpoena ng NBI at DOJ; posible raw makasuhan

Sa nasabing laban, naimintis ni Yap ang dapat sana’y game winning 3 pointer sa regulation ngunit bumawi naman siya ng sobra pa sa overtime period.

“Ganoon naman talaga sa team namin kung sino ang libre ‘yun ang hahanapin para pasahan at tumira, nagkataon ako yung libre, malas lang di pumasok. Buti na lang nakabawi ako sa overtime,” pahayag ni Yap.

Dahil sa panalo, nagsolo ngayon ang Star Hotshots sa ikaapat na puwesto na taglay ang barahang 5-3 (panalo-talo).