TRECE MARTIRES, Cavite – Pansamantalang hindi makakapiling ng mga opisyal at kawani ng kapitolyo si Vice Gov. Ramon Jolo B. Revilla III.

Ayon sa isang source, isang buwang magli-leave ang 26-anyos na bise gobernador para magpagaling at makapagpahinga.

Inoobserbahan pa si Revilla sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City matapos niyang aksidenteng mabaril ang sarili sa kanang dibdib habang naglilinis ng sarili niyang baril sa bahay ng kanyang mga magulang sa Alabang noong Sabado.

Sinabi ng abogado at kaibigan ng pamilya na si Atty. Raymond Fortun na maayos na ang lagay ng bise gobernador makaraang maoperahan nitong Linggo.

National

Benhur Abalos, bumisita kina Ex-VP Leni sa Naga; nag-donate sa typhoon victims

Bago simulan ang flag-raising ceremony sa kapitolyo nitong Lunes ay saglit na nag-alay ng panalangin ang mga opisyal at empleyado para sa agarang paggaling ng bise gobernador.

Sinimulan din ng pagdarasal para kay Revilla ang sesyon ng mga bokal nang araw na iyon, at pansamantalang pangungunahan ni 4th District Board Member Teofilo Lara ang mga regular session bilang kahalili ni Revilla. - Anthony Giron