Nina ROMMEL P. TABBAD at JONATHAN M. HICAP
Binigyan kahapon ng Sandiganbayan ng limang oras si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. upang mabisita ang anak na si Cavite Vice-governor Jolo Revilla na naka-confine pa rin sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City dahil sa umano’y aksidenteng pagkakabaril sa kanyang sarili noong Sabado.
Kasabay nito, itinuring ni Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla ang pagpayag ng Sandiganbayan sa kanilang hiling na payagan si Sen. Revilla na mabisita si Jolo sa ospital bilang “sagot ng kanilang panalangin”.
“Masaya kami sa desisyon,” pahayag ni Mercado sa isang kalatas na binasa ni Atty. Raymund Fortun. “I hope that despite the five hours given by the Sandiganbayan, Jolo and Sen (Revilla) and the whole family will spend quality time together,” ayon sa kongresista.
Si Revilla ay pinayagan ng 5th Division ng anti-graft court na lumabas mula sa PNP Custodial Center kung saan ito nakakulong mula 3:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi kahapon.
“Due to the urgent nature and as acknowledged by the prosecution, it’s an unusual, emergency and extraordinary situation, the court will authorize Senator Revilla to visit his son, with all the usual conditions, from 3 pm to 8 pm,” sabi ni Sandiganbayan Division chairman Associate Justice Efren Dela Cruz.
Inatasan din ng hukuman ang Philippine National Police na magbigay ng seguridad kay Revilla na pinagbawalang magbigay ng anumang pahayag sa mga mamamahayag.
Bukod dito, ibinigay din ng korte sa PNP ang kontrol sa paggamit ng senador ng anumang uri ng electronic at communication gadgets sa panahon ng pagbisita nito sa ospital.
Sinabi rin ng hukuman na dapat ay sasagutin ni Revilla ang lahat ng gastusin sa biyahe ng senador.