Hangad ng Cebuana Lhullier-Philippine Davis Cup Team na agad mawalis ang nalalapit nilang laban ng Sri Lanka at nanawagan ng suporta sa hometown crowd sa unang round ng Davis Cup Asia/Oceania Group 2 tie na gaganapin sa Marso 6 hanggang 8 sa Valle Verde Country Club.

Umaasa si Philippine Davis Cup Team head coach Karl Santamaria, dumalo kahapon sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Shakey’s Malate, sa interes na nakuha nila mula sa pagsasagawa ng matagumpay na International Premier Tennis League na sinimulan ang unang leg sa Manila noong Nobyembre.

Ang bansa ay pangungunahan ng beterano sa Grand Slam na si Treat Huey, na naglaro para sa Manila Mavericks kasama ang superstars na sina Maria Sharapova, Andy Murray at Jo-Wilfried Tsonga.

“I talked to Treat and he said that of all the four legs if the IPTL, the Manila leg was the most successful,” sinabi ni Santamaria sa PSA Forum sa Shakey’s Malate. “So we hope it generated that much interest for tennis and people show up. One of our supposed advantage is the hometown crowd.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gaganapin ang drawing of lots sa ganap na alas-10:00 ng umaga sa Marso 5 sa Valle Verde kung saan ay ito ang unang pagkakataon na naging punong-abala sa Davis Cup ang bansa.

Gaganapin ang opening singles matches sa Marso 6 sa ganap na alas-4:00 ng hapon kung saan ang opening ceremony ay magsisimula sa ganap na alas-3:30 ng hapon.

Papalo ang doubles matches sa Marso 7 at ang reverse singles sa Marso 8 na sisimulan sa ganap na alas-3:00 ng hapon.

Bibitbitin din ang tri-colors nina Pepperdine University standout Francis Casey Alcantara, PH No. 1 local PJ Tierro, at Ruben Gonzales na sariwa pa sa pagwawagi sa kanyang ATP Challenger singles title noong nakaraang Linggo sa Mexico.

Magsisilbi si Roland Kraut bilang non-playing captain.

Ang Pilipinas, na iniisponsoran ng Cebuana Lhuillier, Yonex, Pasig City at Philippine Sports Commission, ay hindi pa natatalo sa Sri Lanka sa kanilang walong paghaharap bagamat sinabi ni Santamaria na hindi nito isinasantabi ang tsansa ng Sri Lankans na bibitbitin ang baguhang manlalaro na si Sharmal Dissanayake.

Ang 19-anyos na si Dissanayake, na nagwagi ng ATP points sa Sri Lanka ngayong taon, ay hindi nakita sa aksiyon kung saan nagawa ng Pilipinas na itala ang 3-1 panalo sa Colombo.

Target ni Santamaria na muling makatuntong ang koponan sa elite Group 1 sa susunod na taon kung saan ay sinabi nito na, “but we are taking it one tie at a time.”

Idinagdag nito na halos nakamit ng Pilipinas ang maglaro sa Group 1 noong nakaraang taon matapos talunin ang Sri Lanka. Gayunman, nabigo ang PH Cuppers sa 2-3 iskor sa kamay ng Pakistan sa semifinals.

Ang Sri Lanka team ay binubuo nina Harsahana Godamanna, Dineshkantan Thangarajah at Sankha Atukarale. Ang non-playing captain ay si Rohan Silva.