Pansamantalang sinuspinde ang pagpapalit ng ilang riles ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 dahilan upang manumbalik ang normal na operasyon ng mass transit system ngayong weekend.

Sinabi ni MRT 3 General Manager Roman Buenafe na hindi kayang tapusin ang proseso ng pre-welding sa 190 linear meter ng riles bago maikabit ang mga ito sa pagtatapos ng linggong ito.

“We have no rail replacement activity this weekend because the pre-welding of rails will take more time and could not be finished in time for the weekend installation,” ani Buenafe.

Subalit ayon sa opisyal, nailatag na nila ang 150 linear meter ng stabling rail sa pagitan ng Taft Avenue at Magallanes station bilang kapalit ng mga lumang riles.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito ang naging dahilan ng pansamantalang tigil-operasyon ng MRT 3 nitong nakaraang Sabado ng gabi na tumagal hanggang Linggo ng tanghali.

Nakaimbak ang mga stabling rail sa MRT 3 depot kung saan nakaparada ang mga tren kung hindi bumibiyahe.

Bago ilatag sa dinaraanan ng mga tren, pinuputol sa loob ng depot ang mga stabling rail sa habang 12-metro, at inililipat sa mainline, inilalagay sa gilid ng track at ikinakabit sa pamamagitan ng welding bago tuluyang ilatag ang mga riles.

Ang mga luma at bitak-bitak na riles ang karaniwang pinaguugatan ng aberya ng MRT 3 nitong mga nakaraang panahon.

Bigo naman ang opisyal na ihayag kung kailan itutuloy ang rehabilitasyon ng riles ng MRT 3. (Kris Bayos)