Ang kasabihang “dapat magpatuloy ang buhay” ay naging palasak na sa mga Pilipino. Ito ang pang-alo sa mga naulila upang magpatuloy sa kanilang buhay. Dahil sa ganitong paninindigan, naging matatag ang Pilipinas at ang mga mamamayan nito upang mapagtagumpayan ang iba’t ibang krisis, pulitika man o pang-ekonomiya. Ito ang dahilan kung bakit malaki ang aking pagtitiwala na malalampasan din natin ang mga usaping bumangon dahil sa trahedya sa Mamasapano, at magpapatuloy ang pagsulong ng ating ekonomiya. Sa mga panghuling pitak na aking isinulat noong 2014, inilahad ko ang aking pananaw sa ekonomiya sa taong 2015 at 2016, na aking inaasahang magiging malakas kaysa 6.1-porsyentong paglago noong nakaraang taon, kung susukatin sa pamamagitan ng Gross Domestic Product (GDP).

Noong Pebrero 26, inilathala naman ng Bloomberg ang resulta ng survey na isinagawa nito sa 57 bansa. Batay sa nasabing pag-aaral, sinabi ng Bloomberg na ang Pilipinas ang magiging pangalawa sa pagsulong ng ekonomiya sa taong ito. Ayon sa ulat, ang ekonomiya ng Pilipinas at Tsina lamang ang aangat ng mas mabilis sa 6 porsyento sa taong ito. Inaasahang babagal ang pag-angat ng ekonomiya ngayong taon, at aabot lamang sa 7 porsyento. Sa aking pananaw, kayang malampasan ng Pilipinas ang antas na ito para maging pangunahin sa buong daigdig. Matatandaan na umangat ang ekonomiya ng 6.1 porsyento noong 2014 sa kabila ng mabagal na paggugol ng pamahalaan, dahil sa alab ng pribadong sektor. Malaki ang paniniwala ko na higit sanang mataas ang pag-angat ng GDP kung gumugol ng husto ang pamahalaan.

Sa taong ito, hangad ng pamahalaan na umangat ang ekonomiya ng 7.5 hanggang 8.5 porsyento. Kapag nakamit kahit ang mababang panig ng hangaring ito, tiyak na malalampasan ang ekonomiyang Tsina. Ang pagkakamit ng pinakamataas na posisyon sa larangan ng ekonomiya sa daigdig ay magpapaganda sa imahe ng Pilipinas at aakit sa lalong maraming mamumuhunan. Maraming panggagalingan ang paglakas ng ekonomiya: ang patuloy na paglaki ng remittances na ipinadadala ng mga manggagawang Pilipino mula sa ibang bansa, ang paglakas ng industriya ng business process outsourcing (BPO), ang pagbaba ng presyo ng langis at ang malakas na paggugol ng mga mamimili.

Ang mga bagay na ito ay katulad ng mga batis at ilog na umaagos at nagsasama-sama upang maging isang malaking ilog na malakas ang pag-agos. Sa aking pananaw, ang malalakas na paggalaw ng iba’t ibang bahagi ng ekonomiya, kasama ang alab ng pribadong sector, ay kumakatawan sa mga batis at ilog na magsusulong sa ating ekonomiya. Noong nakaraang taon, may kabuuang 4.83 milyong turista ang dumalaw sa Pilipinas, mas mataas ng 3.25 porsyento kaysa sa 4.68 milyon na natala noong 2013. Napakaliit nito kung ihahambing sa ilang kalapit na bansa, gaya ng Thailand, na umakit sa 24.78 milyong turista sa kabila ng pamamayani ng batas-militar. Ang Vietnam ay nagtala ng 7.87 milyong turista, at ang Indonesia ay tinatayang dinayo ng 9.3 milyong turista noong 2014. (Durugtungan)

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho