Nagbalik na sa normal ang operasyon ng Port of Manila, isang taon matapos lumikha ng matinding perhuwisyo sa pantalan ang truck ban na ipinatupad ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Cabinet Secretary Rene Almendras na sa nakalipas na tatlong linggo ay nakadaong na ang mga barko sa pantalan at ganap nang decongested ang Port of Manila.
“Over the past three weeks, the ships with berthing schedules were accommodated accordingly. For ships that arrive unscheduled, they were able to dock within 24 to 60 hours from arrival,” ani Almendras. “By February 2015, the benefits of a fully decongested port is in place.”
Aminado si Almendras na mahabang proseso ang naging solusyon sa port congestion at naging komplikado ito dahil sa schedule ng mga barko, pangangasiwa sa mga loaded at walang laman na container, at truck ban ng Maynila.
Matatandaang nag-umpisa ang problema sa port congestion noong Pebrero ng nakaraang taon matapos ipatupad ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang truck ban, na nagbabawal sa mga eight-wheeled truck na may gross vehicle weight na 4,500 kilo na dumaan sa mga lansangan ng siyudad mula 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi.
Dahil sa port congestion, napilitan si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na pansamantalang suspendihin ang truck ban, bunsod ng malaking perhuwisyo sa ekonomiya ng pagsisikip ng mga pantalan.