Umapela sa Department of Education (DepEd) ang isang environmental watchdog na dapat tiyakin ng kagawaran na walang lead ang mga medalyang ipagkakaloob nito sa mga estudyante ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng klase.
Ang panawagan ng EcoWaste Coalition sa DepEd ay kasunod ng advisory ni Education Secretary Armin Luistro sa mga pampublikong paaralan na gawing simple at hindi magarbo ang mga idaraos na graduation rite.
Ayon kay Thony Dizon, coordinator ng EcoWaste Coalition, dapat na tiyakin ng DepEd, ng mga school principal, ng mga donor at ng mga supplier na toxic-free ang mga medalyang ipagkakaloob sa mga natatanging mag-aaral upang hindi ito magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga ito.
Dagdag pa niya, bukod sa mga medalya ay dapat din na toxic-free ang iba pang token para sa mga natatanging mag-aaral, gaya ng tropeo at plake.