MIAMI (AP)- Umiskor si Tyler Johnson ng career-high na 26 puntos, habang nag-ambag si Goran Dragic ng 21 kontra sa kanyang dating koponan kung saan ay tinalo ng Miami Heat ang Phoenix Suns, 115-98, kahapon sa larong may dalawang third-quarter altercations.

Tumapos si Hassan Whiteside na mayroong 17 puntos at 10 rebounds bago ito pinatalsik sa Miami, nakakuha ng 16 puntos at 9 assists mula kay Dwyane Wade.

Nagsalansan naman sina Eric Bledsoe at P.J. Tucker ng tig-20 para sa Suns, kung saan ay nagdagdag pa si Tucker ng 14 rebounds. Inasinta nina Markieff Morris at Brandon Knight ang tig-13 puntos, habang nagtala si Marcus Morris ng 11 at Alex Len na mayroong 10 puntos at 11 rebounds.

Subalit ang istorya rito ay ang kinaharap ni Dragic sa club na nagpadala sa kanya sa Miami noong nakaraang buwan, may kimkim ng paghihinagpis sa magkabilang panig.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

At kumulo nga ang emosyon.

Sa kabuuan, limang manlalaro ang natawagan ng technicals, tatlo ang pinatalsik at dalawang flagrant fouls ang nangyari sa third quarter. Ang 12 minutong paglalaro ay kinailangan ng 42 minuto upang makumpleto.

Pinatalsik si Markieff Morris hinggil sa flagrant-2 foul kontra kay Dragic sa third quarter, habang pinalabas sina Whiteside at Len sa nasabi ring period nang magpambuno sila sa ilalim ng korte ng Miami.

Ang ejection ni Markieff Morris sa nalalabing 8:43 sa orasan ay nangyari matapos na pag-aralan ng referees ang replays at madetermina na itinulak si Dragic makaraan ang fast break. Matinding bumagsak si Dragic sa sahig kung saan ay namilipit siya sa sakit.

Makaraan ang 4 minuto, nagkatagpo naman sina Whiteside at Len kung saan ay nagpambuno sila nang makuha ni Whiteside ang rebound at saka isinalansan ang bola.

Muling nabalutan ng takot ang Heat sa third, nang bumagsak si Johnson at namalagi ng ilang minuto sa sahig habang hawak ang kanyang kaliwang tuhod. Nagbalik ito sa laro ilang minuto ang nakalipas kung saan ay tumapos ito na mayroong 10-for-13 mula sa field.

Sadsad ang Miami sa 6 puntos sa kaagahan ng third ngunit naikasa nila ‘di kalaunan ang highest-scoring quarter sa season.

Inasinta ng Heat ang 39 puntos sa second, mahigit ng isa sa kanilang nagawa sa fourth kontra sa Atlanta upang maitakda ang kanilang pinakamagandang season noong Linggo. Umentra sila sa locker room na taglay ang 62-48 lead. May kumbinasyon sina Wade at Dragic ng 17 puntos sa second kung saan ay naikasa ng Miami ang kalamangan sa mahigit na 18 puntos bago nagsagawa sina Knight at Marcus Morris ng pares ng 3s.

Ngunit hanggang doon na lang humantong ang kanilang paghahabol hanggang sa matapos ang laro.