Ipinagdarasal ko ang Pangulo, wika ni VP Binay, na malampasan niya sana ang kanyang problema. Ang problemang tinutukoy niya ay ang Mamasapano massacre. Gumugulong na nga ang kilusan na nanawagan sa Pangulo na magbitiw na dahil dito. Kamakailan ay naglabasan ang mga estudyante ng iba’t ibang paaralan at umikot sa mga lansangan sa hangaring na maihayag ang kanilang saloobin na sila ay nakikiisa rin sa mga nagnanais na mag-resign na ang Pangulo.

Pero ang nakikisimpatiya sa isang may problema ay gumagawa ng kaakibat na hakbang upang maibsan ang bigat ng kanyang problema o kaya ay manahimik na lang siya at manalangin. Iba si VP Binay. Samantalang nanalangin siyang malusutan ng Pangulo ang problema eh pinabibigat naman niya ito. Binira ng kanyang partidong UNA ang administrasyon ng Pangulo na ito raw ang nasa likod ng pagsususpinde ng kamara sa inumpisahan na nitong imbestigasyon sa Mamasapano massacre. Ano ang itinatago ng Palasyo, tanong ng UNA spokesman Rep. Toby Tiangco. Binabraso raw ng Malacañang ang kongreso. Ang pagsususpinde aniya ng imbestigasyon ay bahagi lang ng mas malaking planong alisin sa mata ng publiko ang insidente at ang responsibilidad ng mga mataas na opisyal ng administrasyon. Tinawag niya itong “damage control”.

Ayon kay VP Binay, dapat managot si Alan Purisima sa nangyaring massacre. Eh, si Purisima ang pinagkatiwalaan ng Pangulo na mangasiwa ng “Operation Exodus” na siyang sanhi ng massacre. Si Purisima ay kaibigan at kabarilan ng Pangulo na ayaw niyang ihiwalay sa kanya kung hindi lang sa insidente. Naniwala akong nananalangin si VP Binay pero ito ang panalangin pagkaupong-upo niya ay kanya nang ginawa. Masidhi ang pagnanais niyang maging Pangulo ng bansa. Noong isang taon ay hayagang ipinaalam niya ito. Kung paniniwalaan si Sen. Trillanes, nang lumabas sila ng korte kung saan siya at kapwa niya sundalo ay binibistahan dahil sa nauna nilang coup, kasama si VP Binay sa isasalya na naman nilang bagong coup. Si Binay daw ang magbibigay ng armas at mga taong susuporta kina Trillanes. Nawala raw si Binay dahil hindi napagkaisahan na siya ang uupo sa civilian-military junta. Kaya, iba ang marubdob na panalangin ni VP Binay kaysa sinasabi niya.
National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!