COTABATO CITY – Hustisya rin ang panawagan ng Moro Islamic Liberation Front para sa umano’y pag-“massacre” ng mga operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa mga miyembro ng kanilang grupo sa kasagsagan ng engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Bagamat walang pormal na reklamong idinulog ang pamunuan ng MILF, lumantad nitong Lunes ang mga field combatant nito at hiniling sa awtoridad, partikular kay Pangulong Benigno S. Aquino III, na bigyang hustisya ang pagkamatay ng apat na umano’y hindi armado nilang kasamahan na napaulat na pinatay ng mga kasamahan ng 44 na nasawing police commando sa loob ng isang mosque sa Barangay Tukanalipao.

Kinapanayam sa telebisyon ng GMA News reporter na si Jiggy Manicad, sinabi ng dalawang kabataang miyembro ng MILF—na kapwa natatakpan ang mukha—na nagpapahinga ang apat nilang kasamahan matapos manalangin nang isa-isang pagbabarilin ng mga taga-SAF ang mga ito.

Sa nasabing panayam na napanood noong Lunes ng gabi, ini-replay ang naunang panayam ni Manicad kay PO2 Chris Lalan, survivor ng engkuwentro mula sa 55th Company ng SAF, na umaming pinagbabaril niya ang mga miyembro ng MILF na nasa loob ng mga istruktura malapit sa maisan habang siya ay tumatakas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Pinagbabaril ko sila…Lahat pala ng mga tao duon ay mga MI (pagpapaikli sa MILF),” sinabi ni Lalan kay Manicad. (ALI G. MACABALANG)