Nais ng karamihan sa mga kongresista na “galawin” ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) habang naghahanda ang adhoc panel sa prosesong pangkapayapaan na busisiin nang maigi at pagbotohan ang kada probisyon ng BBL, na posibleng magbunsod upang tuluyan nang mabalewala ng 16th Congress ang panukalang magtatatag sa Bangsamoro juridical entity.

Sinabi nina Zamboanga Rep. Celso Lobregat at Davao City Rep. Karlo Nograles na nasa 80-90 porsiyento ng 290-miyembro ng mababang kapulungan ay pabor na amyendahan ang BBL kasunod ng madugong engkuwentro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, na ikinamatay ng 44 na pulis.

“About 80-90 percent of the (House members) want it (BBL) touched,” sinabi ng mga mambabatas sa lingguhan Ugnayan sa Batasan forum kahapon.

Ayon kay Nograles, bago pa man nangyari ang sagupaan sa Mamasapano ay pumayag na ang adhoc panel sa BBL na masusing busisiin ang nasabing panukala.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“One of the proposals is that the BBL will be put to vote on provision by provision basis,” ani Nograles. “And this is the most democratic way to do it.”

Sinabi pa ni Lobregat na posible ring maamyendahan ang BBL nang “word by word.”

Gayunman, nilinaw ni Nograles na hindi nila hinaharang ang pagpapasa ng BBL, na target ng Kongreso na maipasa sa Hunyo.

“I think all of us congressmen and congresswomen are all for peace. We want a Bangsamoro law that we imagine will usher a new era of peace in Mindanao. There is no one blocking the law,” aniya.

Kapwa kinontra rin nina Nograles at Lobregat ang paglalaan ng P70-P75-bilyon pondo sa pagtatatag ng Bangsamoro region, sinabing walang paraan upang masubaybayan ang nasabing “lumpsum” o “pork barrel fund” kung maayos ba ang paggastos dito.