Isa pang grupo ng mga mambabatas ang hinamon sa Supreme Court (SC) kahapon ang legalidad ng pagtataas ng pasahe na ipinatupad ng gobyerno noong Enero 4 sa tatlong linya ng tren ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Sa pangunguna ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, ang mga bagong petitioner ay sina Paranaque 2nd district Rep. Gustavo Tambunting at ilang party-list representative na pinangungunahan ni Joselito “Lito” Atienza ng Buhay party-list.

Katulad ng naunang apat na petisyon, ang bagong kaso ay humihingi ng pagpapalabas ng injunctive relief na magbabalik sa pamasahe ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 bago ang Enero 4.

Sinabi ng mga bagong petitioner na nilabag ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang constitutional requirements ng due process, social justice, at public information sa ginawa nitong pag-apruba sa fare hike sa pamamagitan ng Department Order No. 2014-014 na walang sapat na pag-aabiso sa publiko at hearing.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“The DOTC failed to coordinate and/or direct LTFRB to comply with the publication, notice, and hearing requirements. This is the function of Procedures. Instead, DOTC unilaterally proposed, approved, and implemented the fare adjustment,” saad ng mga petitioner.

Kasabay nito, sinabi nila na ang fare increase ay labag sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, na dapat ay pinoprotektahan sa ilalim ng Section 18 ng Article II ng Konstitusyon.

Ang unang apat na petitioners laban sa pagtataas ng pamasahe ay ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa pangunguna ng secretary-general nitong si Renato Reyes, dating Iloilo Rep. Augusto Syjuco Jr., Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, at ang United Filipino Consumers and Commuters, Inc. (UFCC). - Rey Panaligan