KAHIT pa raw ulit-ulitin ang tanong kung ano ang tunay nilang relasyon sa totoong buhay, consistent si Enrique Gil sa sagot na close o “more than best friends” lamang sila ng kanyang leading lady sa top-rating na seryeng Forevermore na si Liza Soberano.
“Para sa akin ‘yun ang exactly the same thing, eh, I am having a best friend. She’s not only a friend, siyempre there’s something more special than that dahil siyempre gusto mo siya at ‘pag pinagsama mo ‘yun , jackpot na, solid ‘yun at siyempre super happy,” sabi ni Enrique.
Si Liza ang itinuturing niyang natatangi at closest na tao sa kanyang buhay ngayon.
“Kami ni Liza masasabi ko na we’re really on point, we are super close, masasabi kong best friend ko siya at sobrang bait niyang tao in and out. She’s the most beautiful girl na nakita ko,” masayang pahayag ni Enrique.
Magandang ugali ang isa sa qualities na hinahanap niya sa isang babae at taglay iyon ni Liza, sabi pa ng young actor.
“Una sa lahat, ang nagustuhan ko sa kanya is ‘yung sobrang humble niya at mas nagustuhan ko siya no’ng malaman ko ‘yung kuwento ng buhay niya, doon talaga ako na-wow. At saka, masarap siyang kasama.”
Nagkakasundo raw silang dalawa dahil marami silang pagkakapareho.
“Kung ako, ang favorite ko cookies and cream, favorite din niya cookies and cream. Ako, ayoko ng suka, siya allergic sa suka, so sobrang nagdya-jive talaga kami. So ‘yun, sobrang nakakatuwa na to find a girl na tulad niya,” sey ni Enrique.
Samantala, sa hiwalay na interbyu kay Liza ay may pagkakaparehas ang kanilang sagot. Kung special siya kay Enrique, special din daw ito sa kanya.
“It’s not hard to like him, he’s very likeable and we’re close. It’s fun to have a crush on your best friend.”
Ina-appreciate ni Liza ang pagiging animal lover at pagiging family person ni Enrique.
“Makikita mo talaga na ginagawa niya lahat for his family, for his mother, that he has dreams and in his dreams kasama niya ‘yung family niya.That’s something that I really like about a guy,” ani Liza.
Nakapagtatag na rin ng sariling fan base ang dalawa, ang LizQuen.
Nangako ang aktor na marami pa silang exciting scenes ni Liza sa Forevermore na dapat abangan ng napakaramig sumusubaybay sa serye, lalo na’t binigyan ng ka-love triangle ang kanilang loveteam -- si Diego Loyzaga.
“Sa lahat ng supporters, sa lahat nang nagpapa-trend sa amin sa Twitter, na laging number one worldwide, maraming salamat po for all your effort,” sabi ni Liza. “With Diego as ‘the other guy’ sa LizQuen? Huwag kayong mag-alala, relax lang kayo, I love you all!”