Ipinagdiriwang ngayon ng Bulgaria ang ika-136 anibersaryo ng kanilang National Day, na gumugunita sa kanilang kalayaan mula sa limang siglong pamamahala ng Ottoman. Magsisimula ang selebrasyon sa pagtataas ng kanilang pambansang bandila at gun salutes sa harap ng Unknown Soldier Monument. Mag-aalay ng mga bulaklak ang state officials at mga Bulgarian sa monumento sa Sofia, ang kapital at pinakamalaking lungsod ng naturang bansa, bilang parangal sa mga nagbuwis ng buhay para sa kasarinlan ng Bulgaria. Magdaraos din ng mga seremonya sa mga bayan at lungsod kung saan napagtagumpayan ang mga labanan noong 1877-78 Liberation War.
Isang bansa na nasa southeastern Europe, ang Bulgaria ay nasa hangganan ng Romania sa hilaga, Greece at Turkey sa timog, Serbia at Macedonia sa kanluran, at ang Black Sea sa silangan. Nasa 7.4 milyon ang populasyon ng naturang bansa, na ang karamihan ay nasa urban areas.
Ang Bulgaria ay isang unitary parliamentary republic na may centralized economic, political, at administrative system. Ang bansa ay miyembro ng maraming regional at international organization, kabilang ang European Union, ang North America Treaty Organization, ang United Nations, ang Organization for Security and Co-operation in Europe, at ang World Trade Organization. Palagian nitong natatamo ang mataas na antas ng human development index. Nasa ranggo ito ng upper middle income range. Sakop ang ekonomiya nito ng malaking pribadong sektor na sumasaklaw ng mahigit sa 80% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Ang pinakamalakas na sektor ng naturang bansa ay ang power engineering, heavy industry, at agrikultura.
Binabati natin ang mga mamamayan at pamahalaan ng Bulgaria sa pangunguna nina Pangulong Rosen Plevneliev at Prime Minister Boyko Borisov, sa okasyon ng kanilang National Day.