“Ma, sige na, please! Sige na po, Ma! Payag ka na, Ma, please lang po!” Ganito ang mga bata kung makiusap sa kanilang mga magulang kung may nais silang makuha na sa tingin nila ay kanilang kailangan. At kung minsan, paulit-ulit na sinasabi ito ng mga bata, nangungulit, sa pag-asang mabubuwag nila ang katigasan ng puso ng kanilang ina o ang pagmamatigas ng kanilang ama at gawing “oo na” ang “hindi puwede”.
Kung mababasa natin ang mga pangaral ni Jesus sa pananalangin at ang kanyang panghihimok na “huwag huminto sa kahihiling”, maaaring isipin natin na ang mabisang paraan upang makuha ang anumang ating naisin mula sa Diyos ay ang kulitin Siya nang walang humpay sa paulit-ulit na pananalangin. Maaari rin nating isipin na isa pang mabisang paraan ay ang himukin natin ang mas maraming kaibigan o kapamilya na idalangin sa Diyos ang hinihiling natin. Maaari nating sabihin: “Kapag maraming tao na ang nananalangin, ibibigay ng Diyos ang ating hinihiling.” Ngunit tumutugon ba ang Diyos sa pangungulit ng isa o grupong nananalangin?
Maraming magulang ang hindi pumapayag na kulitin sila nang paulit-ulit ng kanilang mga anak. Nakaririndi iyon. Ang nais ng mga magulang ay ang isang sibilisadong pag-uusap. At ganoon din ang nais ng Diyos na ating Magulang. Mahal Niya tayo at alam Niya ang lahat ng ating pangangailangan. At gayong pinahahalagahan Niya ang ating panalangin at hinihimok Niya ang matiyagang pananalangin, marahil sinasabi Niya sa atin: “Huwag mo lang basta sipain ang pinto ng Langit sa pangungulit ng iisang panalangin at hindi nakikinig sa sinasabi ko. Pumasok ka at kausapin mo ako. Ilahad mo sa akin ang lahat ng nilalaman ng iyong puso, at ganoon din ang gagawin ko.”
Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos, ibig sabihin, kailangan mo ring pakinggan ang sinasabi Niya; at hindi ang pagurin Siya sa ating pangungulit upang makuha natin ang anuman ang ating naisin. Ang paghiling, paghahangad, at pagkatok ay walang kinalaman sa kung ano ang nais nating makamtan mula sa Diyos. Ang pananalangin ay malaking bagay upang ating matamasa ang mga biyaya ng Espiritu na angkop sa ating buhay.