CHICAGO (AP) – Naglublob sina Lady Gaga at Vince Vaughn sa nagyeyelong tubig ng Lake Michigan sa Chicago upang makalikom ng pondo para sa Special Olympics.
Ayon kay Special Olympics Chicago President Casey Hogan, lumubog kahapon sa nagyeyelong tubig si Lady Gaga kasama ang mahigit 4,500 iba pang kalahok. Sinabi ni Hogan na “very nice surprise” ang pagdalo ng singer sa fundraising event.
Inihayag kamakailan ni Lady Gaga na engaged na siya sa bida ng Chicago Fire na si Taylor Kinney. Sa isang litrato ay nakita ang singer, kasama ang walang damit pang-itaas na si Taylor habang magkasamang papunta sa lawa.
Lumublob din si Vince Vaughn. Nakasuot ang tubong Lake Forest ng Chicago Blackhawks jersey at jeans. Noong una ay hanggang tuhod lang lumubog ang aktor, hanggang sa unti-unti siyang lumublob sa nagyeyelong lawa.
Noong nakaraang taon ay lumublob din sa lawa ang komedyanteng si Jimmy Fallon habang nakasuot ng suit and tie, at nakatulong siya sa paglikom ng mahigit $1 million.
Ang temperatura ay bumagsak sa 20 degrees nang isagawa ang event, ayon sa National Weather Service.