PIKIT, Cotabato – Nakubkob ng mga tauahan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang isang pinaghihinalaang kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Kabasalan sa bayang ito, ilang araw matapos maglunsad ng all-out offensive ang tropa ng pamahalaan laban sa BIFF sa mga kuta nito sa Maguindanao.
Sinabi ni Insp. Sindato Mundas Karim, officer-in-charge ng Pikit Police Station, nabawi ng MILF ang kontrol sa Barangay Kabasalan matapos itong sakupin ng mga bandidong BIFF sa pamumuno ng isang Kumander Kagui Karialan simula noong Pebrero 3.
Ang Barangay Kabasalan ay may 10 kilometro ang layo mula Rio Grande de Mindanao, itinuturing na pangalawang pinakamalaking ilog sa bansa, na karaniwang dinaraanan ng mga pumapasok at nagsisitakas na bandido sa Maguindanao.
Dahil sa nagpapatuloy na opensiba laban sa puwersa ng BIFF, libu-libong residente na mula sa Shariff Aguak, Saydona Mustapha, Mamasapano, Datu Unsay at Pagalungan sa Maguindanao; at Pikit, North Cotabato ang nagsilikas na mula sa kanilang tahanan.
Base sa datos ng International Committee of the Red Cross (ICRC), umabot na sa 1,732 pamilya ang nagsilikas mula sa bayan ng Pagalungan habang 2,335 pamilya ang apektado ng bakbakan sa Pikit. (Malu Cadelina Manar)