JOLO AT JODI

TIKOM ang bibig ng pamilya Revilla kaugnay sa aksidenteng pagkakabaril ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla sa kanyang  sarili nitong nakaraang weekend.

Unang kumalat sa social media na “suicide attempt” ang nangyari at iyon din ang pakahulugan sa mga unang pahayag ni Lolit Solis, pero nilinaw ni Atty. Raymund Fortun kalaunan na naglilinis umano ang ng baril si Jolo nang hindi inaasahang maiputok nito sa sarili .

Nagtamo ng tama sa bandang itaas ng kanang dibdib ang actor-politician.

National

5.1-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte; aftershocks, asahan!

Ayon sa aming source, hindi raw ganoon katanga si Jolo para magkamali sa paghawak ng baril bukod pa sa may particular na tauhan ang mga Revilla na tagalinis ng kanilang mga baril.

Kahit nagbigay na ng pahayag ang kanilang spokesman, marami ang haka-hakang naglilitawan na hindi aksidente ang nangyari kundi tinangka umanong kitilin ng actor ang sariling buhay dahil sa problemang pangpamilya at  pag-ibig.

Lahad ng aming source, hindi na bago sa kanya ang ginawa ni Jolo dahil nagtangka na rin itong magpakamatay noong ipalaglag ni Grace Adriano ang nasa sinapupunan pang si Jose Gabriel “Gab” Bautista. Si Grace Adriano ay panganay na anak ni Rosanna Roces na ngayon ay may sarili nang pamilya.

Lumalabas sa mga usap-usapan sa showbiz na bukod sa pinoproblema ni Jolo ang kalagayan ng amang si Sen. Bong Revilla ay may personal pa silang suliranin ng girlfriend na si Jodi Sta. Maria, na sinasabing posibleng buntis daw ngayon.

Simula nang maganap ang insidente ay tahimik ang kampo ng aktres.

Tinangka naming kontakin at kausapin ang alin man sa mga miyembro ng pamilya ni Jolo upang personal na itanong ang sagot sa maraming katanungan subalit maging si Congresswoman Lani Mercado ay hindi nagbigay komento at sa halip ay nangako na lamang na muli silang magbibigay ng statement ngayong ibinalik sa ICU si Jolo makaraang dumaan sa mahigit dalawang oras na operasyon.

Marami sa mga kaibigan ni Jolo sa showbiz, pulitika at  personal friends ang hindi pinayagan ng Asian Hospital and Medical Center na dalawin ang actor-politician.

Ang pakiusap ni Congresswoman Lani Mercado at ng kanilang buong pamilya ay samahan na lang silang magdasal para sa mabilis na paggaling ni Jolo at saka na lang nila sasagutin ang maraming katanungan. (MORLY ALINIO)