Matapos ang mahigit apat na araw, naapula na rin kahapon ang sunog na tumupok sa isang 7-palapag na gusali sa Quezon City kung saan isang bumbero ang sugatan sa insidente.
Ideneklara ni Fire Supt. Jesus Fernandez, QC Fire Marshall, na fire-out ang sunog sa Gateway 2000 Development Corp. sa 174 G. Araneta Avenue, Barangay Tatalon, Quezon City dakong 1:45 kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Fernandez ang sugatang biktima na si SFO1 Ohesio Asoy Jr. na isinugod sa Del Mundo Hospital matapos magtamo ng sunog sa mukha.
Ayon kay Fernandez, nagsimula ang sunog dakong 12:40 noong Sabado ng madaling araw sa tanggapan ng Maniquin Solution na pag-aari ni Robert Go sa ikalawang palapag ng gusali.
At dahil nagsilbing imbakan ng mga flammable material tulad ng thinner, pintura at iba pang gamit sa pagkukumpuni ng mga mannequin at tarpaulin, nahirapan umano ang mga bumbero na agad na maapula ang apoy.
“Maraming combustible elements ang nasa loob (ng building) kaya matagal maapula ang sunog,” dagdag ni Fernandez. “Under investigation pa ang dahilan ng sunog.”
Matatandaan na pinag-ugatan din ng matinding trapik ang sunog sa Araneta Avenue malapit sa E. Rodriguez noong Sabado. - Francis Wakefield