Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:15 pm. Alaska vs. Kia Carnival
7 pm. Barako Bull vs. San Miguel Beer
Makisalo sa defending champion Purefoods Star sa ikatlong puwesto ang target ng Barako Bull sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Makakatunggali ng Energy Cola, na hangad makabangon mula sa ikatlong pagkatalo sa kamay ng Rain or Shine sa nakaraan nilang laro, ang inaalat din na San Miguel Beer sa ganap na alas-7:00 ng gabi.
Bago ang bakbakan ng dalawang koponan, magsasalpukan muna ang Alaska at Kia Carnival sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
Para naman sa Beermen, tangka nilang makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan matapos magwagi sa unang pagkakataon ngayong conference kontra sa Meralco Bolts. Sumadsad ang Beermen noong nakaraang Linggo kung saan ay inungusan sila ng Hotshots, 113-105, sa overtime.
Una rito, mag-uunahan din para makabalik sa win column ang Aces at Kia Carnival para umangat mula sa kanilang kinalalagyan na ikapito at ikawalong puwesto sa team standings, ayon sa pagkakasunod. Taglay ng Aces ang barahang 3-5 habang nagkasya ang Carnival sa 2-4 (panalo-talo).
Matapos ang dalawang sunod na malalaking panalo, nalugmok ang Kia sa kamay ng kapwa expansion team na Blackwater noong Sabado, 104-115, habang natalo naman ang Aces sa Energy Cola noong Pebrero 24, 91-93, sa overtime.