Isang babae ang namatay nang saksakin sa noo ng isang lalaki nang sawayin ito a panggugulo sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang nakilala lamang sa pangalang “Grace,” tinatayang may edad 27-30, 5’4” ang taas, ngunit namatay bunsod nang tinamong tama ng saksak sa noo.
Samantala, pinaghahanap na ng mga awtoridad ng Manila Police District (MPD) ang isang alyas “Bin Laden,” na itinuturong may kagagawan ng krimen.
Batay sa ulat ni Det. Michael Maraggun, imbestigador ng Homicide Section ng MPD, nabatid na dakong 2:40 ng madaling araw nang naganap ang insidente sa panulukan ng Zaragoza at Del Pa Streets sa Tondo.
Nauna rito, nagkukuwentuhan ang biktima at ilang kaibigan sa nasabing lugar nang dumating ang suspek at ilang kasama nito habang naghahasik ng gulo.
Nairita umano ang biktima kaya sinaway nito ang suspek.
Gayunman, sa halip na magpaawat ay nagalit ang suspek sa pakikialam ng biktima at kaagad na naglabas ng patalim saka biglang sinaksak sa noo ang biktima bago tumakas.