SARIAYA,Quezon – Isang pitong taong gulang na babae, na inutusan lang ng kanyang ina na mag-remit ng mga taya sa Small Town Lottery (STL), ang natagpuang patay at hubo’t hubad habang natatambakan ng mga tuyong dahon ng kawayan sa madamong bahagi ng bayang ito noong Linggo ng gabi.

Ayon sa police report, dakong 7:35 ng gabi nang inutusan ng kanyang ina ang Grade 2 pupil na biktima na magpunta sa kanilang kapitbahay upang mag-remit ng mga taya sa STL.

Sinabi ng ginang sa pulisya na nakita niya ang suspek na si Romy, tiyuhin ng biktima, habang kinakausap ang kanyang anak ilang metro ang layo mula sa bahay ng kolektor ng STL na pinuntahan ng anak.

Hindi ito pinansin ng ginang dahil may tiwala siya sa suspek na kaanak nila.

National

DOTr, makikipagdayalogo sa MANIBELA sa nakaambang 3-day transpo strike

Ngunit hindi na nakabalik pa ng bahay ang bata kaya sinimulan na ng ginang ang paghahanap sa anak, at nang mga oras na iyon ay hindi rin mahagilap ng ginang ang suspek.

Nagpatulong na ang ginang sa ilan pa nilang kaanak at sa mga opisyal ng barangay para agad na mahanap ang biktima, hanggang matagpuan ang paslit sa damuhan, may 200 metro ang layo mula sa kanilang bahay.

Nagsasagawa na ng awtopsiya sa biktima ang Scene of the Crime Operations (SOCO) para matukoy kung ginahasa ang bata.

Naaresto naman ng pinagsanib na puwersa ng Sariaya Police at mga opisyal ng barangay ang suspek sa bahay ng ilang kaanak. (Danny J. Estacio)