BINAN, Laguna– Anim na kabataang manlalaro, apat sa kalalakihan at dalawa sa kababaihan na mula sa Laguna, Batangas at Cavite, ang nanguna sa Regional Selection Camp ng Jr. NBA/Jr. WNBA Philippines 2015 na iprinisinta ng Alaska noong Linggo sa University of Perpetual Help System.

Ito ang ikalawang pagkakataon na ang Jr. NBA/ Jr. WNBA ay isinagawa sa Biñan.

Ang apat na Jr. NBA players na umentra sa National Training Camp na gaganapin sa PICC Forum sa Roxas Boulevard, Manila sa Abril 24-26 ay sina Karl Georg Clauss ng De La Salle University (DLSU) STC sa Sta. Rosa; Joshua Yvan Garing ng De La Salle Lipa, Jalen Angelo Limon ng St. Francis School sa Biñan at John Ashley Los Bañez ng Canossa School, Sta. Rosa. Ang dalawang Jr. WNBA players, sina Luisa San Juan ng Amazing Grace School sa Laguna at Pherl Gwyneth Savendano ng Christain Values School sa Cavite, ang nakaentra rin sa NTC.

Ang anim na mga manlalaro ay pinili mula sa Top 40 performers sa unang araw ng camp sa Alonte Sports Arena na dinumog ng may 481 players na may edad 10-14 na mula sa iba’t ibang siyudad at munisipalidad sa South Luzon. Ang Top 40 ay inabisuhang bumalik sa Day 2 para sa mas intense drills at basketball team exercises. Pinili sa final scrimmage sa pagtatapos ng Day 2 ang pinaka-skilled basketball players na isinaisip ang Jr. NBA/Jr. WNBA core values ng Sportsmanship, Teamwork, Attitude at Respect.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ang NTC finalists na mula sa South Luzon ay pinili ng Jr. NBA evaluation committee sa pangunguna ni Jr. NBA/Jr. WNBA head coach Chris Sumner at PBA Legend Jeffrey Cariaso ng Alaska Power Camp.

“We found many basketball talents here with good skills, athleticism and great fundamentals. I was impressed with their desire. My advice to them is to practice, practice, practice, and to always be hungry. Not everyone has the chance to be here. They should make the most of it and live the STAR values,” saad ni coach Sumner.

Ang susunod na Regional Selection Camp ay gaganapin sa Iloilo City sa Ateneo de Iloilo sa Marso 7 at 8. Ang iba pang nakatakdang Regional Selection Camps ay sa Baguio sa St. Louis University sa Marso 14 at 15, Bacolod City sa St. John Institute sa Marso 21 at 22, Davao City sa University of the Immaculate Conception sa Marso 28 at 29 at Manila sa PICC Forum sa Abril 11 at 12.

Ang makukuwalipika sa kalalakihan at kababaihan na hangad mapasama sa selection camps ay maaring magparehistro sa www.jrnba.asia/philippines.

Sampung Jr. NBA at limang Jr. WNBA All-Stars ang pipiliin sa National Training Camp na sasalain sa unique, overseas NBA experience kasama ang kapwa Jr. NBA All-Stars na mula sa Southeast Asia. Ihahayag ang Coach of the Year na iprinisinta ng Alaska sa National Training Camp na dadaluhan ng NBA talents.

Ang kabuuan ng program terms at conditions ay matatagpuan sa Jr. NBA/Jr. WNBA event website. Pwede rin sundan ng fans ang Jr. NBA/Jr. WNBA sa Facebook sa www.facebook.com/jrnbaphilippines. Pwede ring bumisita ang fans sa www.nba.com, at sundan ang NBA sa Facebook (www.facebook.com/philsnba) at Twitter (www.twitter.com/nba_philippines).