LAOAG CITY, Ilocos Norte – Binura ng mga opisyal at residente sa lungsod na ito ang world record para sa pinakamahabang “boodle fight” sa mundo.
Pinangunahan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, kasama sina Laoag City Mayor Chevylle Fariñas at Vice Mayor Michael Fariñas, ang mahigit 30,000 katao sa sabay-sabay na boodle fight na may kabuuang haba na 4.858 kilometro.
Inabot ng 30 minuto bago naubos ng mga lokal na opisyal at mga participant ang mga pagkaing inilatag sa ibabaw ng dahon ng saging.
Kabilang sa mga pinagsalu-saluhan ang Igado, Pinakbet at puting kanin na gawa sa may kabuuang 2,607 kilo ng hilaw na karne, 2,607 kilo ng iba’t ibang gulay at 40 kaban ng bigas.
Humilera ang mga tao sa magkabilang gilid ng mesa at masayang kumain matapos ang pormal na deklarasyong simulan na ang boodle fight dakong 5:45 ng hapon. Nilinis ang mga pagkain dakong 6:15 ng gabi.
Tinalo ng 4.858-kilometrong boodle fight ng Laoag City ang Guinness World Record na itinala ng mga taga-Labo, Camarines Norte noong Setyembre 1, 2014, nang magsalu-salo ang mga ito sa 2.65-kilometrong boodle fight.
Inihahanda na ng mga miyembro ng technical working group sa paglulunsad ng boodle fight ng Laoag ang mga kinakailangang dokumentasyon na isusumite sa Guinness Book of World Records. - Freddie G. Lazaro