KIDAPAWAN CITY, North Cotabato – Nananatili pa rin sa mga evacuation center ang libu-libong pamilyang lumikas upang makaiwas sa mga paglalaban sa Central Mindanao, at nanawagan sila ng kapayapaan at pagwawakas sa kaguluhan habang patuloy na binobomba ng militar ang mga hinihinalang kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Sinabi ni Muslima Salik, 22, ng Barangay Kabasalan, Pikit, na simula nang ilunsad ang mga paglalaban noong unang bahagi ng Pebrero ay nakatuloy na ang kanyang pamilya sa evacuation center sa kalapit na Barangay Gli-Gli.

“Mga anak ko lang ang bitbit ko, umalis na kami sa bahay. Karamihan ng gamit namin naiwan sa barangay namin,” ani Salik.

Nakarating na rin sa kanya na karamihan sa mga gamit ng kanyang pamilya sa Bgy. Kabasalan ay nalimas na umano ng mga armado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kabila nito, gusto ni Salik na magbalik sa kanyang bahay pero wala pa umano siyang “go signal” mula sa awtoridad.

Kaisa rin siya sa panawagan ng libu-libong evacuees sa Pikit para sa kapayapaan sa Mindanao.

“Wala sa Bgy. Kabasalan na may gusto ng giyera. Lahat kami gusto ng kapayapaan. Lagi na lang kaming patakbo-takbo kapag may namamataang armado sa lugar namin. Wala kaming katahimikan,” sabi ni Salik.

Ang Bgy. Kabasalan, na may 20 kilometro ang layo sa national highway, ang target ng patuloy na mortar shelling ng Army.

Sinimulan ng militar ang clearing operations isang linggo bago pa nagdeklara ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng matinding opensiba laban sa BIFF.

Inaayudahan naman ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang evacuees sa Pikit. (MALU CADELINA MANAR)