Sinentensiyahan ng Sandiganbayan ng hindi bababa sa anim na taong pagkakakulong ang isang alkalde sa Iloilo dahil sa kasong graft matapos nitong paboran ang isang supplier sa pagbili ng P15-milyon halaga ng medical supply bagamat nagkaroon ng failed bidding.
Idineklara ng Sandiganbayan First Division na guilty sina Mayor Frankie Locsin, ng Janiuay, Iloilo; Municipal Accountant Carlos Moreno Jr.; Budget Officer Ramon Tirador; Treasurer Luzviminda Figueroa; Ricardo Minurtio, kinatawan ng mayor sa Committee on Awards; at Rodrigo Villanueva, presidente at general manager ng Am-Europharma Corp., ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa 34 na pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Rodolfo Ponferrada at sinang-ayunan nina First Division Chairman Efren de la Cruz at Associate Justice Rafael Lagos, pinatawan ng anim na taong pagkakakulong ang anim, pinagbawalang humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno, at pinagbabayad ng katumbas na halaga sa pagbili ng medical supplies.
Ayon sa korte, pinaboran ng mga akusado si Villanueva sa pagkakaloob ng kontrata sa Am-Europharma sa pagbili ng medical supplies na nagkakahalaga ng P13,191,223 bagamat ang nasabing kumpanya ay hindi kuwalipikadong makibahagi sa bidding dahil sinuspinde ng Department of Health (DoH) ang akreditasyon nito.
Bukod dito, ipinagkaloob din ng anim na opisyal ang kontrata na nagkakahalaga ng P1,744,926 sa Mallix Drug Center, na si Villanueva ang sole proprietor ng kumpanya.