Dahil hindi pa napagdedesisyunan ng Kongreso ang tungkol sa panukalang pagkalooban ng emergency power si Pangulong Benigno S. Aquino III, umapela ang Malacañang sa publiko na magtipid ng kuryente ngayong tag-init.
Ito ang apela ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. para maging matipid ang paggamit ng kuryente, gaya ng hindi madalas na paggamit sa air-conditioner at iba pang appliances dahil limitado ang supply ng kuryente sa Luzon ngayong tag-init.
Aniya, tiniyak na ng Department of Energy (DOE) ang suporta ng malalaking power consumer upang magpatupad ng boluntaryong Interruptible Load Program (ILP) o ang paggamit ng mga ito ng mga power generator upang mabawasan ang demand sa Luzon grid. Napaulat na nakapag-secure na ang kagawaran ng 738 megawatts (MW) ng kuryente mula sa mga volunteer sa ILP.
“At lahat ng ito ay ginagawa sa pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan para maibsan ‘yung inconvenience na maaaring idulot ng power shortage supply,” sinabi ni Coloma sa isang panayam sa radio.
Matatandaang inihayag ng Pangulo noong Setyembre ang planong hingin sa Kongreso na bigyan siya ng special powers, alinsunod sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), para makakuha ang gobyerno ng karagdagang power capacity at maiwasan ang kakapusan sa kuryente sa Luzon ngayong tag-init.
Gayunman, hindi pa ito naaaksiyunan ng Kongreso dahil wala naman umanong patunay na kakapusin ang supply ng kuryente.
Karaniwang mas mataas ang demand sa kuryente tuwing tag-init, at kapag nagkataong kinapos ang supply ay mapipilitang magpatupad ng rotating brownout sa Luzon. - Genalyn D. Kabiling