Umabot sa limang porsiyento ang itinaas ng dami ng kargamento at pasahero sa iba’t ibang daungan sa bansa sa kabila ng port congestion sa Manila.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), ang cargo volume sa buong bansa ay tumaas sa 211.20 milyong metric tons (MMT) noong 2014 mula sa 201.91 MMT na naitala noong 2013.
Lumitaw din sa huling shipping statistics na 133.29 MMT ay foreign cargo, na mas mataas ng 7.45 porsiyento kumpara sa 124.05 MMT noong 2013.
Lomobo rin ang import volume sa 67.56 MMT, o 11.29 porsiyento, habang ang export volume ay tumaas sa 65.73 porsiyento, o 3.77 porsiyento.
Ayon sa PPA, ang paglobo sa dami ng kargamento ay dahil sa malaking exportation ng river sand, magnetite sand, crude minerals, nickel ore, limestone ore, clinker at slag, langis ng niyog, at copra, prutas at isda at maging ang malaking bulto ng inaangkat na petrolyo, coal, bigas at abono.
Samantala, ang domestic cargo volume ay tumaas lang ng 0.06 porsiyento – 77.91 MMT noong 2014 mula sa 77.86 MMT noong 2013.
Tumaas din ang container volume sa buong bansa sa 5.43 million twenty-foot equivalent units (TEU) mula sa 5.23 milyon TEU noong nakaraang dalawang taon, o mas mataas ng 3.95 porsiyento.
Lomobo rin ang foreing container traffic sa 3.29 milyon TEU mula sa 3.18 milyon TEU noong 2013, o mas mataas ng 3.42 porsiyento.
Sinabi ni PPA General Manager Juan Sta. Ana, halos lahat ng aspeto ng containerized operations ay tumaas nitong nakaraang taon sa kabila ng suliranin sa port congestion sa Manila at paghina ng operasyon sa ilang lugar tulad ng Davao. - Kris Bayos