NASA ligtas nang kondisyon si Cavite Vice Governor Jolo Revilla matapos isugod sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City dahil sa isang tama ng punglo sa kanang itaas na bahagi ng kanyang dibdib.
Nasa intensive care unit (ICU) pa ang bise gobernador na isinugod sa ospital bandang alas-9:30 ng umaga sa Alabang, Muntinlupa City, pero kinagabihan na nagsimulang malaman ng publiko ang nangyari sa pamamagitan ng social media.
Ang unang bersiyon ng istorya na kumalat sa iba’t ibang social media websites, dumalaw umano sa bahay ng kanyang amang si Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Ayala Alabang ang vice governor, pagdating ay nagkulong agad sa kanyang kuwarto.
Ilang minuto ang nakalipas ay nakita nang may tama ng punglo ang vice governor dahil umano sa pagbaril sa sarili.
Sa pahayag ni Lolit Solis, ang talent manager ng pamilya Revilla, posibleng emotionally upset ang kanyang alaga dahil sa nangyayari sa kanyang ama.
Si Senador Revilla ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa pagkakasangkot sa kontrobersyal na pork barrel scam kasama sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile.
Kamakailan ay nadagdagan ang isyu ni Sen. Revilla nang kuwestyunin ang umano’y paglabas nito ng kanyang selda at dumalo sa birthday party ni Sen. Enrile.
Hatinggabi ng Sabado, naglabas ng pahayag ang spokesman ng pamilya Revilla na aksidenteng naputukan, hindi nagbaril sa sarili si Jolo.
Paglilinaw ni Atty. Raymond Fortun, ang abogado at tagapagsalita ng pamilya Revilla, hindi sinadya ng bise gobernador ang pagbaril sa kanang itaas ng kanyang dibdib.
Ayon kay Fortun, aksidente lamang ang nangyari nang makalabit ng vice governor ang gatilyo ng .40 caliber glock pistol na kanyang nililinis sa loob ng kuwarto.
Sinabi ni Fortun na magpapagaling ng 48 hanggang 72 oras sa ospital si Jolo bago ito tuluyang i-discharge.
Magkatuwang naman na nagbantay sa ospital ang ina nitong si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla at kapatid ng kanyang ama na si Bacoor Mayor Strike Revilla.
Samantala, maghahain naman ng mosyon ang kampo ni Sen. Bong Revilla sa Sandiganbayan para mabigyan ng permiso na mabisita sa ospital ang anak.
“I believe it is most likely that we will ask the Court to permit him to visit his son at the hospital. I have no details about the incident but I am sure the matter will be duly investigated,” pahayag pa ni ni Atty. Ramon Esguerra.