Wala sa selebrasyon ng ika-29 anibersaryo ng People Power Revolution si ex-Pres. Fidel V. Ramos. Siya ang Vice Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines at Hepe ng Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) nang kumalas sila noong Pebrero 22,1986 ni Sen. Juan Ponce Enrile na noon ay Defense Minister sa rehimeng Marcos.

Taun-taon ay dumadalo si Mr. Tabako, este Pangulong Ramos, sa pagdiriwang ng People Power, pero ngayon ay pinili niyang magpunta sa Camp Crame para dalawin ang dati niyang boss at kaibigan na si JPE na nakakulong sa PNP General Hospital. Taun-taon din ay inaabangan ko ang pagdalo ni FVR dahil inaabangan ko rin ang kanyang “historic jump” na una niyang ginawa sa loob ng kampo matapos ianunsiyo noon sa radyo na umalis na sa Malacañang si Apo Macoy kasama ang pamilya. Noong nakaraang taon, nakaya pa ni FVR na lumukso sa harap ng People Power Monument kahit siya ay malapit nang mag-86 anyos. Inaasahan kong lulundag uli siya noong Pebrero 25, 2015 at oobserbahan ko kung kaya pa niya dahil ngayong Marso ay 87 anyos na siya. Isa ako sa kokonting defense reporters noon nag-cover presscon ng makasaysayang pagtiwalag nina FVR at JPE sa rehimeng Marcos.

Sa halip na salubungan, ang ginawa ay ang tinatawag na Unity Walk ng mga tauhan ng PNP at AFP. Makahulugan ang “Lakad Pagkakaisa” kasunod ng sumablay na Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 SAF commandos. Lumabas sa mga pagdinig ng Senado at Kamara na walang tiwala si ex-PNP SAF commander Director Getulio Napeñas sa AFP kaya hindi ipinaalam ang Oplan Exodus para hulihin si Marwan. Dahil dito, walang koordinasyon at wala ring reinforcement mula sa AFP na sana’y nakatulong upang hindi malagas ang 44 kabataang commando sa kamay ng MILF at BIFF. Sino ang dapat sisihin at managot dito, si PNoy ba, si Purisima, si Napeñas?

Inamin ni Napeñas na sangkot ang US military sa intelligence gathering, training ng local forces, at monitoring ng Oplan Exodus. Pinagtibay ng Supreme Court ang dismissal ni Cadet Aldrin Jeff Cudia sa PMA dahil sa munting pagsisinungaling. Paano naman ang pagsisinungaling ng mga opisyal ng PNP at AFP na PMA graduates sa Mamasapano massacre? Nasaan ang PMA Honor Code?
National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!