BORACAY ISLAND – Nilinaw ng isang opisyal na hindi polluted ang buong pampang ng kilala sa buong mundo na beach resort, ang Boracay Island sa Malay, Aklan.

Ito ang nilinaw ni Rowen Aguirre, konsehal ng Malay, kasunod ng naglabasang ulat na mataas ang antas ng coliform sa baybayin ng isla.

Sinabi ni Aguirre na tanging ang pampang sa likuran, na binansagan ng mga residente na Bulabog Beach, ang marumi.

Matatandaang nagbabala kamakailan ang Environmental Management Bureau (EMB)-Region 6 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga may-ari ng resort sa Boracay na maging alerto sa mataas na antas ng coliform sa Bulabog Beach.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ng EMB-6 na ito ay dahil sa palpak na drainage system ng lugar kaya naman umaabot sa baybayin ng isla ang mga pollutant mula sa mga kalapit na establisimyento.

“Hindi dapat na mabahala ang mga turista,” sabi ni Aguirre, na chairman ng committee on environment ng Konseho ng Malay.

Gayunman, sinabi ni Aguirre na dapat na aksiyunan ang problema para maiwasang umabot ang coliform sa harap ng Boracay.

Sa Bulabog Beach idinadaos ang iba’t ibang sports activities, gaya ng kite boarding at wind surfing.