Ang panukalang aprubado na ng Kongreso para magkaloob ng espesyal na tax exemption kay Saranganin Rep. Manuel “Manny” Pacquiao ay maaaring magbigay-inspirasyon sa boksingero sa nalalapit at makasaysayan niyang laban sa Amerikanong si Floyd Mayweather, Jr.
Ito ang sinabi kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, at inihayag na maghahain siya ng panukalang batas na gaya ng ipinasa ng mababang kapulungan kasabay ng paghaharap ng dalawa sa pinakamahuhusay na boksingero sa kasaysayan, sa Las Vegas, Nevada sa Mayo 2.
“Manny being a Filipino promotes the Philippines,” sabi ni Pimentel, idinagdag na ang karapat-dapat na ang special tax incentive bilang pagbibigay-pugay sa walang katulad na pagbibigay ng karangalan ni Pacquiao sa bansa, na muling magpapakitang-gilas sa mundo at lalaban para sa bayan.
“The marketing value for the country is priceless,” sabi ni Pimentel upang bigyang-diin ang panukalang magkakaloob ng special tax exemption kay Pacquiao sa kanyang kikitain sa world welterweight unification bout sa Mayo 2 sa Amerika.
Hindi pa tapos ang gusot ni Pacquiao sa Bureau of Internal Revenue (BIR), na nagsabing hindi pa nakababayad ang kongresista sa P2.7 bilyon na utang nito sa buwis nitong Abril 2014.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Organization title habang itataya naman ni Mayweather, minsan man ay hindi natalo sa 47 niyang laban, ang kanyang WBC at WBA belt sa pinakaaabangang laban na nagkakahalaga ng mula $250 million hanggang $400 million.
Iginiit ni Pimentel na kailangan ni Pacquiao, dating eight-division world champion, ang lahat ng inspirasyon at suporta na makukuha niya habang abala ngayon sa pagsasanay sa laban na inabot ng mahigit limang taon bago naisakatuparan.
“Manny is now part of our history and of world sports history. Let’s give him this tax incentive in recognition to his invaluable efforts to promote boxing and the country around the world,” sabi pa ni Pimentel.