Matapos ideklara ng Supreme Court (SC) ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel ng mga mambabatas bilang unconstitutional, tinanggal ang P24.9 bilyong PDAF budget mula sa General Approporiations Act. Kalaunan, inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) ang isang bagong budgeting scheme na tinawag nitong Bottom-up Budgeting, na kalaunang pinangalanang Grassroots Participatory Budgeting Process (GPBP) na may layuning itaas ang partisipasyon ng mamamayan sa public spending. Sa ilalim ng programang ito, ang P20 bilyon ay isinama sa bagong national budget para sa mga proyektong dapat na magsimula sa ibaba.

Maaaring nagkataon lamang ito, ngunit ang halagang tinanggal mula sa lumang budget at ang bagong halagang nakasama sa bago ay halos pareho. Nagdulot ito ng pagdududa na binigyan lamang ng DBM ng bagong pangalan ang PDAF.

Sapagkat 2015 ang taon bago ang pambansang halalan sa Mayo 26, may karagdagang pagdududa na ang bilyun-bilyon sa GPBP para sa 2015 ay gagamitin sa pangangampanya ng administrasyon para sa mga kandidato nito. Bukod sa P20 bilyong GPBP fund, may P33 bilyon para sa Assistance to Local Government Units (ALGU) at muli nasa ibabaw ito ng kanilang legal na mandatong Internal Revenue Allotments (IRA).

Inilutang kamakailan ni Sen. Miriam Defensor Santiago na ang budget ay waring labis na nakahilig sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan ni Secretary Mar Roxas. Noong nakaraang taon, idinaan ng DILG ang release ng P6.6 bilyong ayuda sa iba’t ibang LGU sa iba’t ibang rehiyon, partikular na sa Eastern Visayas, Cordillera Administrative Region, at Bicol.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Madaling ipaliwanag ng administrasyon ang malalaking alokasyong ito bilang bahagi ng proseso ng pamamahala. Naging ganito na ang paraan ng dating mga administrasyon. Maaaring magsaya ang oposisyon mula sa katotohanan na sa kabila ng parehong paggastos sa pangangampanya sa nakalipas, ang waring nananatiling mga opisyal at partido ay hindi nagwawagi sa kanilang kampanya.

Tunay nga na naiimpluwensiyahan ang halalan sa Pilipinas ng malalaking salapi. Kaya sinasabi na ang presidential campaign ay mangangailangan ng kung ilang bilyon sa lawak ng kanilang masasakupan. Sa 2016 elections, malaki ang magiging kalamangan ng mga kandidato ng administrasyon sapagkat nasa posisyon sila ng kapangyarihan at kontrolado nila ang malalaki ring pondo. Gayunman, pinahihirapan sila ng maraming isyu, tulad na lamang ng kontrobersiya sa Mamasapano. Iyon – na higit pa sa bilyun-bilyong nakahandang pondo – ay maaaring magdulot ng mas malaking impluwensiya sa eleksiyon.